Laban vs. text scam, ‘di nagtatapos sa pagpasa ng mandatory SIM card registration
ni Ryan Sison - @Boses | September 23, 2022
Nananatiling hati ang opinyon ng publiko hinggil sa isinusulong na mandatory SIM card registration.
Bagama’t pabor, may agam-agam ang ilang tindera ng SIM card sa magiging papel ng mga ito sa registration. Anila, dagdag sa trabaho, pero kung kinakailangan, handa naman silang hingan ng pangalan at ibang requirements sa pagpaparehistro ang mga bumibili.
Gayunman, habang sang-ayon sa panukala ang ilang mobile phone users, ang problema ng ilan ay hindi lahat ay mayroong valid government ID, na kailangan sa pagpaparehistro.
Mabilis na pumasa sa ang panukalang mandatory SIM card registration sa Kamara. Hindi pa man ganap na batas, may ilang sagot na ang mga mambabatas sa registration ng mga existing SIM at sa mga magbebenta ng bagong SIM.
Kapag naging batas ang mandatory SIM card registration, may 180 araw ang mga user para iparehistro ang SIM at kung mabibigong magparehistro, made-deactivate ang SIM.
Kailangan din umanong magbigay ng mga telco companies ng listahan ng kanilang mga direct seller.
Sa Senate Bill No. 1310 naman, kailangang irehistro sa pangalan ng mga magulang ang mga menor-de-edad ang bibili o may hawak na SIM. Maaari rin nilang gamitin ang ID ng kanilang magulang o guardian sa pagrehistro.
Matatandaang, layon ng panukala na palakasin ang mga batas kontra cybercrime, gayundin upang mas maprotektahan ang mga user.
Gayunman, naninindigan ang mga mambabatas na bitbit ng telecommunication companies ang responsibilidad na protektahan ang datos ng SIM card owners.
Kamakailan, ramdam ng lahat ang paglala ng text scam sa bansa. Bukod sa mas ‘personalized’ dahil naglalaman na ito ng buong pangalan ng may-ari ng mobile number, nakakabahala ang dami ng natatanggap na text messages kada araw.
Kita naman natin ang pagsisikap ng gobyerno na maipasa ang batas, pero batid nating hindi magtatapos dito ang laban kontra text scam. Kumbaga, malaking hakbang ito laban sa krimen, pero may mga dapat pa tayong gawin upang matuldukan ito.
Ngunit bago ang lahat, sana’y sakop ng batas ang seguridad ng mga datos ng bawat user at marahil, ‘yan ang pangamba ng ilan.
Panawagan sa mga kinauukulan, bilisan ang pagpasa sa batas kung kinakailangan.
Dapat nang matuldukan ang isyung ito bago pa tuluyang dumami ang mga nabibiktima.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments