Laban vs. pandemya, mapagtatagumpayan din, tiwala lang!

Updated: Jan 9, 2021
ni Ryan Sison - @Boses | January 2, 2021
Pagpasok ng 2021, kani-kanyang hiling ang bawat isa na maging maayos ang ating kasalukuyang sitwasyon.
Bagama’t naharap tayong lahat sa napakaraming pagsubok sa nakaraang taon, marami pa rin sa atin ang sumalubong sa 2021 nang may pag-asa.
Kaugnay nito, nagpahayag ng pag-asa ang Malacañang na matatapos ang pandemya na dulot ng COVID-19.
Gayundin, umaasa ang Palasyo na magiging mas malakas at malusog ang bansa, na mangyayari kung magtutulungan ang gobyerno at mamamayan.
Samantala, hinikayat ng Malacañang ang lahat na gawing “year of healing, recovery at muling pagbangon” ang 2021.
Totoo na kung magtutulungan ang mamamayan at gobyerno, posibleng matuldukan natin ang problemang ito.
Kaya naman panawagan natin sa mga kinauukulan, nawa’y ang mga susunod na hakbang kontra pandemya ay talagang kapaki-pakinabang, hindi lamang sa inyong hanay kundi maging sa mga mamamayan — mahirap man o mayaman, may posisyon man sa gobyerno o wala.
At tayo namang publiko, maging bahagi tayo ng solusyon at hindi ng panibagong sakit ng ulo.
Tutal, Bagong Taon naman, magbago na rin tayo. Kung isa tayo sa mga naging pasaway noong nakaraang taon, dapat maging mabuti tayo ngayon.
Paalala lang, kailangan pa ring masunod ang health protocols sa lahat ng oras at hindi porke may bakuna na, feeling safe na tayong lahat.
Mahaba-haba man ang laban na ito, tandaan na kung sama-sama tayo at magtutulungan, tiyak na lahat ng ito ay ating malalampasan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments