La Liga, nagpabilib sa Condition Race
- BULGAR
- May 29, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | May 29, 2023
Bumilib ang mga karerista sa ipinakitang tulin sa largahan ni La Liga Filipina kaya naman nasikwat nito ang panalo sa Condition Race na inilarga noong Sabado ng hapon sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas.
Nakipaglutsahan muna si La Liga Filipina kay Biglang Buhos hanggang kalagitnaan ng karera at nang magbadyang kumalas ay si Top Czar naman ang nakatagisan ng bilis ng winning horse.
Subalit sa rektahan ay nakitaan ng tikas ang liyamadong si La Liga Filipina at nagwagi ito ng may tatlong kabayo ang agwat sa pumangalawang Top Czar.
Nirendahan ni jockey Andreu Villegas, inirehistro ni La Liga Filipina ang tiyempong 1:25.2 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Benjamin Abalos Sr. ang P10,000 added prize.
Tumersero si Biglang Buhos habang pumang-apat si Rockstar Show sa event na inisponsoran ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli de Leon.
Nagpakitang-gilas din si Valued Friendship sa naganap na 3-Year-Old & Above Maiden Race na pinakawalan sa pangatlong karera.
Ginabayan ni Jomer Estorque, inilista ni Valued Friendship ang tiyempong 1:27. 8 minuto sa 1,400 meter race, nagwagi ito na isang dehado, pumangalawa si The Alpha male habang tersero si Jewel Of The Nile.
Samantala, pitong karera ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Sabado kaya naging masaya ang pangangarera ng mga karerista at kahapon ay umabot sa siyam ang nilarga.





Comments