top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

L.A. Lakers at 76ers, nasa tuktok ng team standings

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 14, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 14, 2021





Mag-isa na ang defending champion Los Angeles Lakers sa ituktok ng NBA standings matapos duruging muli ang Houston Rockets, 117-100 sa NBA game kahapon sa Toyota Center. Umakyat sa 9-3 panalo-talo ang Lakers at pangatlong sunod na panalo kasama ang 120-102 panalo sa parehong Rockets noong Enero 10.


Patuloy ang pamamayagpag ng tambalang LeBron James na may 26 puntos at Anthony Davis na may 19 puntos. Malaki rin ang tig-14 puntos ng mga guwardiyang sina Dennis Schroder at Kentavious Caldwell-Pope at reserba Montrezl Harrell.


Napunta sa Philadelphia 76ers ang liderato ng Eastern Conference matapos magwagi sa Miami Heat sa overtime, 137-134, sa likod ng 45 puntos ni Joel Embiid at 29 puntos buhat sa siyam na tres ni Danny Green.


Talagang pinagbubuti ni kabayan Jordan Clarkson ang papel bilang pangunahing reserba ng Utah Jazz sa 117-87 na pagbaon sa Cleveland Cavaliers at pumasok sa tabla kasama ang nagpapahingang Los Angeles Clippers at Phoenix Suns sa 7-4 para sa ikalawang pwesto sa Western Conference. Nagtapos si Clarkson na may 21 puntos para tulungan si Donovan Mitchell na may 27 puntos.


Sa unang 11 laro ng Jazz, gumagawa si Clarkson ng 17.2 puntos bawat laro, pangatlo kay Mitchell (23.4) at Mike Conley (17.3). Ang kakaiba dito ay naglalaro lang si Clarkson ng 24 minuto kung ihahambing sa anim na iba pang kakampi na mas matagal ginagamit kaya ngayon pa lang ay kandidato siya para sa Sixth Man of Year.


Nakahanap si Kevin Durant ng katulong sa katauhan ni point guard Bruce Brown at gumawa sila ng pinagsamang 12 puntos sa 4th quarter upang talunin ng Brooklyn Nets ang Denver Nuggets, 122-116. Namuno sa panalo si Durant na may 34 puntos at 13 rebound at sumunod si Caris LeVert na may 20 at Brown na may 16 puntos bilang kapalit ng nakaliban na si Kyrie Irving.


Mga free throw nina Lonnie Walker IV at Dejounte Murray sa huling minuto ang susi sa 112-102 tagumpay ng San Antonio Spurs sa Oklahoma City Thunder. Nanguna si Walker na may 24 puntos at sinundan nina Patty Mills na may 17 at Murray na may 16 puntos.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page