Kuskos-balungos sa pagkuha ng business permit, stop
- BULGAR
- Jul 14, 2023
- 1 min read
@Editorial | July 14, 2023
Asahan na umano ang mas mabilis at maayos na mga proseso sa pagnenegosyo.
Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Executive Order No. 18 o Green Lanes for Strategic Investments na maghihikayat ng higit na pamumuhunan sa bansa.
Sa pamamagitan nito ay hindi lang mabibigyan ng oportunidad ang mga Pinoy na gustong pumasok sa pagnenegosyo kundi makakapaghikayat din ng marami pang investors.
Dapat lang makipagsabayan na ang Pilipinas sa mga kapitbahay na bansa sa Southeast Asia sa pagbibigay ng mabilis at simpleng proseso sa pagnenegosyo -- alisin ang kuskos-balungos. Huwag nang paabutin nang buwan bago maaprubahan ang nag-a-apply ng negosyo.
Isa pa sa dapat na tutukan ng gobyerno para sa mas mabilis at maayos na pagnenegosyo ay ang matinong serbisyo at makatarungang singil sa kuryente, tubig at internet.
Kung ang mga nabanggit ay palpak na, malamang ay walang negosyante na makikipagsapalaran dahil ‘di pa nagsisimula, lugi na.
Problema rin ang mga korup at scammer na iisa ang takbo ng pag-iisip, ang makapanloko para sa pera.
Kaya magiging epektibo lang ang kautusan ng Pangulo sa mabilis at maayos na pagnenegosyo kung maaaksyunan din ang iba pang suliranin sa bansa.



Comments