Kusang pagsusuot ng face mask sa mataong lugar, malaking bagay vs. COVID
ni Ryan Sison - @Boses | October 6, 2022
Dahil opsyonal na ang paggamit ng face mask sa outdoor setting, maraming natuwa dahil mas ginhawa at bawas-gastos.
Gayunman, marami pa rin ang hindi kampante dahil sa paniniwalang hindi pa ligtas dahil nananatili ang banta ng COVID-19.
Bagama’t boluntaryo, ang problema, hirap ang mga awtoridad na ipatupad ang paggamit ng face mask sa lahat ng pagkakataon.
Halimbawa umano sa Simbahan ng Quiapo, kung saan madalas ay dagsa ang mga nagsisimba, kaya kahit open area, hindi naiiwasan ang siksikan. Kaya binigyang-diin ng mga awtoridad na malinaw sa Executive Order No. 3 na kailangan pa ring magsuot ng face mask kung nasa mataong lugar.
Sa kabilang banda, sang-ayon naman ang ilang eksperto na hindi na hindi na i-require ang face mask sa labas, basta hindi siksikan at maganda ang daloy ng hangin.
Samantala, habang nakakakita ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) at ilang lugar sa Luzon, nakikita umano ng mga eksperto na posibleng pumalo sa 2,000 kada araw ang COVID-19 cases sa bansa hanggang sa katapusan ng taon. Gayunman, nangangahulugan umano ito na hindi pa tapos ang pandemya.
Una nang sinabi ng DOH na hindi pa nila nakikitang kailangan na irekomenda sa Inter-Agency Task Force (IATF) na muling ibalik ang pagsusuot ng mask sa labas.
Tulad ng palagi nating paalala, mandatory man o hindi paggamit ng face mask, dapat may kusa ang lahat. Kumbaga, ‘pag nasa mataong lugar, ‘wag nang magdalawang-isip na gumamit ng mask.
‘Ika nga, kailangan na nating mamuhay kasama ang virus, kaya hangga’t maaari, maging bahagi tayo ng solusyon at hindi maging sakit ng ulo. Malaking hakbang ito upang patuloy na bumaba ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments