Kung si Sen. Robin, tameme sa hirit ng aktres… ROMMEL, APRUB SA BANAT KAY ANGEL, NA-REAL TALK DAW
- BULGAR

- 9 hours ago
- 3 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | July 18, 2026

Photo: FB ROMMEL PADILLA
May naging reaksiyon ang kapatid ni Sen. Robin Padilla na si Rommel Padilla sa patutsada ni Angel Locsin sa aktor-senador.
Naging usap-usapan sa social media ang pag-share ni Rommel sa post ng isang netizen na direktang pumupuna at sumisita sa aktres dahil sa kanyang naging pahayag laban sa senador.
Sa kanyang FB account, matapang na nanawagan si Angel hinggil sa usapin ng red-tagging, kung saan sinumbatan niya si Robin kung bakit ‘di siya ipinagtanggol sa akusasyon sa kanya gayung alam daw nito ang totoo.
Iginiit din niyang hindi na ito ang dating Robin Padilla na kanyang nakilala.
“Ang tanong ko lang, nasaan ka nu’ng panahong nire-red-tag ako kahit alam mong ‘di totoo? Actually, kasama mo pa nga at ka-chika-han ‘yung mga nangre-red-tag,” sey ni Angel kamakailan.
“Tama na, Kuya. Gising na. ‘Di pa huli ang lahat,” diin pa ng aktres.
Isang netizen ang bumanat kay Angel at sinabing tila pinipili lamang ng aktres ang mga isyung ginagamit nito para makapag-ingay.
“Nag-ingay si Angel Locsin sa issue ni Robin pero tahimik s’ya sa baha, nakawan at flood control. Angel, ‘yung ipinagtanggol ni Robin, ibinoto ng 32 milyon vs. pansarili mong issue. Akala ko, matalino ka, pang-Darna ka lang pala talaga. Ding, ang bato!” ayon sa post ng netizen.
Ini-reshare ni Rommel ang post sa kanyang opisyal na Facebook (FB) account na may kalakip na simpleng caption na tila sumasang-ayon sa naging kritisismo laban sa aktres.
Sey ni Rommel, “#ReaLTaLK.”
Sa kabila ng mabilis na pagkalat ng kanyang post at mga reaksiyon ng publiko, wala pa ring inilalabas na opisyal na pahayag si Sen. Robin hinggil sa mga naging banat ni Angel laban sa kanya.
‘Di pa raw dyowa, nanliligaw pa lang…
DUSTIN, NEVER SAY DIE KAY BIANCA
KAHIT na anong piga ni Boy Abunda, ayaw pang umamin nina Dustin Yu at Bianca de Vera sa tunay nilang relasyon.
Guest kasi sila sa programa ng King of Talk noong Hulyo 16 na Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA).
Inamin ng aktres na mahalaga sa kanya si Dustin at sinabi niyang nagbibigay ito sa kanya ng kapanatagan.
Sinabi naman ng aktor na gusto niyang dahan-dahang buoin ang kanilang samahan at mas kilalanin pa si Bianca.
Well, tinanong din sila ni Kuya Boy tungkol sa mga fans na nahahati sa DusBia (Dustin at Bianca) at WillCa (Will Ashley at Bianca).
Ayon sa aktres, hindi niya tinitingnan ang dalawang tandem bilang magkatunggali at nagpapasalamat siya sa suportang natatanggap niya mula sa parehong fan groups.
Pareho rin nilang sinabi na nais nilang unahin ang kanilang mga proyekto habang hinahayaang kusang umunlad ang kanilang personal na relasyon.
Samantala, napasok din ang pangalan ni Ivana Alawi sa kanilang panayam.
Ano ba ang totoo kina Dustin at Ivana?
Ayon sa young actor, wala naman daw isyu tungkol sa kanilang dalawa ng aktres.
Sagot ni Dustin, “Nagkaroon lang po kasi ng pagsi-ship ng mga netizens sa amin ni Ivana habang magkasama kami sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition bilang house guest. May chemistry daw po kami.”
Nakabuo siya ng magandang samahan kay Ivana dahil sa kanilang natural na kulitan at chemistry. Wala pa raw noon si Bianca.
Siyempre, tinanong ng TV host kung crush niya si Ivana.
Sey niya, “Hindi po. Naaaliw po kasi ako sa kanya ‘pag napapanood ko s’ya.”
Dahil dito, nabuo ang tambalang DustVan (Dustin + Ivana), at marami ang nagsimulang mag-edit at mag-post ng kanilang sweet moments sa social media.
Nang makalabas si Ivana sa PBB house, sinabi niyang nakita niya ang mga edits ng fans at pabirong sinabi, “Kinikilig s’ya, kinikilig din ako.”
Lalo pang kinilig ang mga fans nang i-follow ni Ivana si Dustin sa Instagram (IG) at nangakong iimbitahan niya ito sa isa sa kanyang mga vlogs.
Pagkatapos ng PBB, nagkaroon naman ng mas malapit na samahan sina Dustin at Bianca. Lumipat naman ang atensiyon ng mga fans sa tambalang DustBia. Hanggang sa lagi na silang magkasama sa bawat lakaran.
Kaya ang tanong ni Kuya Boy ay kung magdyowa na nga ba sila, na pareho naman nilang itinanggi.
Pero inamin naman ng rumored celebrity couple na espesyal sila sa isa't isa.
Sabi nga ni Dustin, “Patuloy ko s’yang liligawan, ‘di ako susuko at seryoso ako kay Bianca.”
Wika pa niya, “Hanggang dulo ng panahon ang panliligaw ko kay Bianca.”
O, ‘di ba, nakakakilig? Sana all!





Comments