top of page
Search
BULGAR

Kung si Ion, tatakbong konsehal… VICE, AMINADONG WALANG ALAM, ATRAS SA PULITIKA

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Oct. 6, 2024



Showbiz News

Mismong si Vice Ganda ang nagsabing may ilang grupo ang lumapit sa kanya upang kumbinsihin siyang tumakbo sa 2025 midterm elections. 


Pero tumanggi si Vice, dahil hindi raw ito ang linya niya, wala raw siyang kaalam-alam sa takbo ng pulitika. 


Kung ang ibang celebrities ay aligaga at excited sa pagtakbo para sa 2025 elections, para sa It’s Showtime (IS) host, wala sa agenda niya ang maging public servant. 


Puwede naman daw siyang tumulong sa mga nangangailangan kahit hindi siya pulitiko.

Gayunpaman, ang kasintahan niyang si Ion Perez ay tatakbong konsehal sa bayan niya sa Concepcion, Tarlac. 


Tiyak na suportado ni Vice Ganda ang political career ng kanyang asawa at maglalaan ng oras upang tulungan si Ion sa pangangampanya. 

Kilala na rin naman si Ion Perez dahil sa exposure niya sa IS.


 

SENTRO ngayon ng pambabatikos ang Star for All Seasons na si Vilma Santos at ang dalawa niyang anak na sina Luis Manzano at Ryan Christian Recto.

Naiisyuhan sila ngayon ng “political dynasty” dahil pare-parehong sa Batangas sila tatakbo. 


Kakandidatong gobernador si Ate Vi at vice-governor naman niya si Luis. Target din ni Ryan Christian ang pagiging kongresista sa isang distrito ng Batangas. 


Samantala, marami naman ang nagtatanong kung bakit daw si Luis ang pinili ng Star for All Seasons na maging ka-tandem niya bilang vice-governor. Wala pa namang experience si Luis dahil hindi pa nga ito tumakbo noon kahit konsehal man lang sa Batangas at masyado raw bata si Ryan Christian upang kumandidatong kongresista.

Mas bagay daw kay Luis ang pagiging kongresista, at si Ryan Christian ay puwede namang magsimula muna bilang konsehal ng Lipa. 


Well, wala namang masama kung parehong kumandidato sina Luis at Ryan Christian sa Batangas, lalo na’t kaisa sila sa layunin ng kanilang ina na si Vilma Santos na makatulong sa kanilang mga kababayan sa Batangas. 


Malaking challenge lang na kailangang mapatunayan nila na seryoso sila sa pagiging public servant at hindi upang kumita at gawing negosyo ang pulitika.


 

'Di raw nakikialam, Kyline…

CARMINA, PINOPROTEKTAHAN LANG ANG ANAK NA SI MAVY PARA 'DI MALOKO


Carmina at Mavy

NAGKAROON ng chance ang Kapuso actress na si Carmina Villaroel upang magpaliwanag at ibigay ang kanyang side sa akusasyon sa kanya na isa siyang matapobre at nakikialam sa love life ng kanyang mga anak.


Sa farewell presscon ng Abot-Kamay Na Pangarap (AKNP), nakausap ni Carmina ang ilang entertainment press. Maayos niyang naipaliwanag ang dahilan kung bakit naging negatibo ang image niya ngayon. 


Hindi man nagbanggit ng pangalan si Carmina, aware naman ang publiko na may kaugnayan ito sa breakup ng isa sa kambal niyang si Mavy Legaspi at ni Kyline Alcantara. Nabalitang hindi pabor si Carmina kay Kyline para kay Mavy. 


Samantala, si Kyline naman ay may mga cryptic posts sa social media na patungkol sa gap nila ni Carmina. 


Anyway, ang labis na ipinagtataka ni Carmina ay kung bakit nagkaroon siya ng negative image sa publiko. Ilang dekada na siya sa showbiz at maraming artista at direktor na ang nakatrabaho niya, wala raw siyang nakaaway o nakasamaan ng loob sa sinuman sa mga ito. 


At never din siyang nanghamak ng kapwa, kaya hindi raw siya matapobre at may naninira lang sa kanya.


Tungkol naman sa pakikialam sa love life ng kanyang mga anak, natural lang daw sa isang nanay na tulad niya na protektahan ang kanyang mga anak upang hindi masaktan at maloko. Pagmamahal at malasakit ang tawag du'n, hindi pakikialam. 


Naniniwala si Carmina Villarroel na mas marami ang nakakakilala sa tunay niyang pagkatao, kaya hindi siya basta huhusgahan dahil lang sa mga isyung ibinabato ngayon sa kanya.


 

LABIS na ipinagtataka ng marami kung bakit nagkaideya ang ilang sikat na vloggers-social media influencers na pumasok na rin sa larangan ng pulitika. 

Sapat na ba ang bilang ng kanilang mga followers upang maipanalo sila sa kanilang puwesto? 


Katulad na lang ng Pares Queen na si Diwata, at ang sikat na vlogger-businesswoman na si Rosmar Tan. 


Si Diwata ay fourth nominee sa Vendors Partylist. Kung susuwertehing pumasok ang Vendors Partylist at makakuha ng malaking percentage ng boto, congressman ang magiging puwesto niya. 


Si Rosmar Tan naman ay muling susubok sa pulitika at kakandidatong konsehal sa First District ng Manila. Bilyonarya na si Rosmar at malaki ang kakayahang gumastos sa kampanya. 


Ngayon pa lang ay pinagpipiyestahan na ng mga bashers sina Diwata at Rosmar. 

May ilang grupo nga na nagpupustahan ngayon kung mananalo ba ang Vendors Partylist ni Diwata? Iboboto ba ng kanyang mga followers ang kanyang partylist? 


Mas posible pa at malaki ang chance ni Rosmar Tan dahil konsehal lang ng Maynila ang kanyang tatakbuhin at may campaign funds siyang gagastusin.

0 comments

Commenti


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page