top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Kung palalawigin ang deadline ng SIM registration Mga scammer, tuloy ang pambibiktima

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 3, 2023
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 3, 2023



Mayroon na lamang 23 araw ang mga kababayan nating gumagamit ng cellphone para iparehistro ang kanilang SIM card bago ang itinakdang deadline sa Abril 26 ng taong kasalukuyan.


Nagpamalas ng pagkabahala ang pamunuan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) dahil bagama’t may abiso, tila mababa pa rin ang bilang ng mga nagpaparehistro ng SIM sa kabila ng banta na hindi na ito magagamit sa itinakdang deadline.


Ayon sa DICT, mula sa halos 170 million active SIM cards sa buong bansa ay halos nasa 45 milyon pa lang ang nagpaparehistro o 27.12%, kaya muli silang nananawagan na magparehistro na bago pa ma-deactivate ang mga hindi rehistradong SIM card.


Natuwa pa naman si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (P-BBM) hinggil sa ulat na sa unang bugso pa lamang nang pagpaparehistro ay bumaba na agad ng 93.3% ang reklamo hinggil sa text scam matapos ipatupad ang Republic Act (RA) 11934 o ang SIM (subscriber identity module) Card Registration Act.


Sinabi ni P-BBM na ang pagtugon ng ating mga kababayan sa hakbanging ito ng pamahalaan ay nagpapatunay na ang digital space sa bansa nagiging ligtas na laban sa mga cyberthreats at iba pang online activities ng masasamang loob.


Hindi nga naman biro ang 93.3% na ibinaba ng mga reklamong natatanggap ng National Telecommunications Office na nagdulot ng kapayapaan sa marami nating kababayan, lalo na sa pagnenegosyo, pagtatrabaho at pang-araw-araw na pamumuhay.


Inihayag mismo ng National Telecommunications Commission (NTC) legal branch office na ang reklamong kanilang natatanggap ay bumagsak na lamang sa 100 kada araw mula sa dating 1,500 na pawang biktima ng text scam.


Inaasahang bababa pa o tuluyan nang mawawala ang matatanggap na reklamo ng NTC kung lahat ng SIM cards ay nakarehistro na sa kanilang tanggapan.


Ayon kasi sa pahayag ng DICT, hanggang nitong nakaraang Marso 12, umaabot lamang sa kabuuang 44,298,445 mula sa 168,977,773 subscribers sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nagpaparehistro ng kani-kanilang SIM card simula nang pirmahan ng Pangulo ang SIM Registration Act upang maging isang ganap na batas.


Dahil sa pangyayaring ito, tila nagdadalawang-isip ang DICT kung palalawagin pa nila ng panibagong 120 araw ang deadline para sa SIM registration upang mas marami pa umanong subscribers ang makapagparehistro.


Sa isang banda, tila may punto naman ang DICT dahil inaalala umano nila ang mga kababayan nating senior citizen na karamihan ay kulang na ang kamalayan sa ganitong kaalaman, kaya dapat mas bigyan pa ng pagkakataon.


Ngunit dapat nating alalahanin na ang RA 11934 ay ang kauna-unahang batas na nilagdaan ni P-BBM at kailangang-kailangan na itong ipatupad ng seryoso, ayon sa plano dahil sa umpisa pa lamang ay ramdam na agad ang mabuting epekto ng batas na ito.


Nilagdaan ito ni P-BBM noong Oktubre 8 noong nakaraang taon, na naglalayong ang Public Telecommunication Entities (PTEs) o direct sellers na magpresenta ng valid identification documents ang sinumang nais gumamit ng SIM card para sa kanilang pagkakakilanlan.


Nakapaloob din sa naturang batas na ang PTEs ay kailangang magsumite ng beripikadong listahan ng kanilang authorized dealers at agents sa buong bansa sa tanggapan ng NTC, kabilang na ang pagsusumite ng updated nitong listahan tuwing quarter ng bawat taon.




Sabagay, aminado ang DICT na hindi naman siyento-porsyento ang kalalabasan ng mga magpaparehistro ng kani-kanilang SIM card sa buong bansa, ito ay dahil marami ang mga SIM card user na magboboluntaryong hindi na irehistro ang kanilang mga SIM cards.


Sa pinakahuling datos ng DICT, nasa mahigit 30% ng Smart subscribers ang nakapagparehisro na, nasa 20% ng Globe subscribers ang nairehistro na rin at 25% naman ang sa Dito Telecommunity.


Ibig sabihin, lubhang mababa pa ng mga nagpaparehistro kumpara sa kabuuang bilang ng mga kababayan nating gumagamit ng SIM card at dahil sa naramdamang pagbagal na mga dapat ay nagpaparehistro na, rito na pumapasok ang DICT sa planong pagpapalawig sa SIM registration.


Matindi kasi ang hangarin ng pamahalaan na mapaigting ang digitalization sa buong bansa, lalo na sa lahat ng ahensya ng pamahalaan, mapalakas pa ang cybersecurity at matigil na rin itong text scam.


Sa puntong ito na tila hindi pa man din dumarating ang deadline para sa registration ay urong-sulong na ang DICT kung palalawagin ba ito o hindi, tila sila na rin ang nagpapalabas ng sungay ng masasamang loob para magbalikan sa text scam.


Dahil malambot pala ang itinakdang deadline sa Abril 26, ang mga nag-atrasan nang text scammer ay ngising demonyo na naman at napipintong muling magbabalikan sa panggagantso, dahil hindi lang naman ang mga hindi pa nagpaparehistro ang bibigyan ng extension—kasali rin pati dorobo!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page