Kung nuisance candidates tatanggalin sa balota, dapat pati Partylist ng trapo alisin din!

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 13, 2024

IMBES PULITIKAHIN, IPINAALALA NI SEN. BONG GO ANG MGA MABUTING NAGAWA NI EX-P-DUTERTE SA PANAHON NG PANDEMYA -- Binigyang-linaw ni Sen. Bong Go ang mga nagawa ni ex-P-Duterte noong panahon ng COVID-19 pandemic, na ayon sa senador ay ipinakita ng dating pangulo ang political will sa mabilis na aksyon ng gobyerno para sa kapakanan ng mga ordinaryong Pinoy na mailigtas ang buhay sa banta ng coronavirus at pagtanggap ng ayuda ng mga mamamayan sa panahon ng krisis dulot ng pandemya.
Ang statement na ito ng senador ay bilang paalala sa mga nakakalimot sa mga nagawa ng Duterte administration noong COVID-19 pandemic, na imbes pasalamatan ang dating presidente, eh ang ginagawa pa ng mga anti-Duterte politician ay pinupulitika at iniintriga ang pag-aksyon ni ex-P-Duterte sa panahon ng pandemya, period!
XXX
DAPAT IREKLAMO NA NI PBBM SA UN ANG PAMBU-BULLY NG CHINA SA MGA PINOY SA WPS -- Nanawagan kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang mga kongresista na ireklamo na sa United Nations (UN) ang ginagawang pambu-bully ng China sa mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) at mga mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea (WPS).
May punto ang mga cong. sa panawagan nilang ito kay PBBM kasi dinededma lang ng China ang mga diplomatic protest na inihahain sa kanila ng ‘Pinas kaya’t dapat lang talaga na iakyat na ng Marcos admin sa UN ang reklamo at baka sakaling matigil na ang pambu-bully ng China sa mga Pinoy sa WPS, boom!
XXX
NUISANCE CANDIDATES AT PARTYLIST NG TRAPO DAPAT PAREHONG TANGGALIN NG COMELEC SA BALOTA -- Inanunsyo ng Comelec na bago matapos ang buwan ng Nobyembre 2024 ay tatanggalin na nila ang mga pangalan ng mga nuisance candidate sa talaan ng mga kandidatong nagsipag-file ng candidacy para sa national at local positions upang ang name raw ng mga ito ay hindi na maisama sa iimprentang balota sa halalan.
Sana, hindi lang nuisance candidates ang tanggalin ng Comelec sa printing ng ballot, kundi pati ang partylist na ang nominado ay kapamilya ng mga trapo, period!
XXX
DAPAT IPA-‘TOKHANG’ NI COL. LACUESTA SI ‘EDMUND’ NA MAY PA-LOTTENG SA CALOOCAN CITY -- Isang alyas “Edmund” raw ang may kontrol ng operasyon ng lotteng sa Caloocan City.
Dapat ipa-‘tokhang’ agad ni Caloocan City chief of police, Lt. Col. Ruben Lacuesta si “Edmund” kasi kapag nalaman ni PNP Chief Gen. Rommel Marbil na “nganga” lang siya sa raket ng gambling lord na ito, baka sibak sa puwesto ang abutin niya, boom!




Comments