Kung naging housemate raw, baka na-cancel na… RICA: THANK GOD NA HUMINDI AKO SA PBB

by Info @Special Article | November 16, 2026

Photo: Rica Peralejo podcast - YT
Dahil kontrobersiyal ang Pinoy Big Brother Collab 3.0 (PBBC3.0) ngayon, napaisip ang aktres-podcast host na si Rica Peralejo at nagpasalamat na lamang na hindi niya tinanggap noon ang offer na maging housemate sa nasabing reality show.
Sa kanyang post sa Threads (@), inamin ni Rica na maaaring hindi naging maganda para sa kanyang career kung naging bahagi siya ng programa noong mga unang taon nito.
Ayon kay Rica, matagal na siyang inalok na maging housemate ng PBB noong dalaga pa siya, pero masaya siyang tinanggihan niya ito dahil alam niyang may mga pagkakataong may masasabi o magagawa siya na maaaring mapuna o ma-bash.
Aniya, “Sa lahat ng dumadaan sa feed ko about PBB ngayon, naisip ko talaga na thank God na humindi ako before (as in way before, dalaga pa ako nito) when I was asked to be part of the house. Siguro, back then, miski papaano, may konting wisdom ako na alam kong I would probably say or do things na maka-cancel ako.
“Kasi sa totoo lang, hindi naman ako 100% (emoji) good thoughts. Wala naman atang ganu’n. At ‘di naman sa itinatago ko s’ya, pero ba’t ko naman ibo-broadcast din ‘yung bad side ko? Tama nang sabihin ko na lang sa inyo. Pero ‘di ko na idedetalye pa. Kahit ‘di ko naman wish na maging super-loved ako at magka-image na super-good ako kasi ayaw ko rin ng inauthentic. But yes, I think ‘di naman din kailangan mag-publish ng sarili mong kasamaan to be called authentic.”
Sa pagsagot naman ni Rica sa iba’t ibang komento sa kanyang post, nagpahayag siya ng pang-unawa sa mga housemates, pero aminadong hindi maiiwasan na mataas ang expectations ng mga manonood dahil reality show ito, na ginawa para mag-entertain at makuha ang involvement ng publiko, lalo na’t may voting aspect ang programa.
“Pero kasi ‘yan ang nature ng show. So I think kahit na sabihin na natin we should not expect too much as viewers, I think the reality is that we will. Or at least majority will kasi it’s a show. It is really made to entertain and to involve the people kasi may voting aspect pa, ‘di ba? So ‘yun. Hahaha!” sey niya.
Muli ring ipinaliwanag ni Rica kung bakit hindi niya kayang basta ilantad ang lahat ng kanyang pagkatao sa publiko sa pamamagitan ng pagsali sa isang reality show.
“‘Pag pumasok ka, parang willing ka na makita nila ang lahat sa ‘yo. Kasi ako, I am admittedly ka-cancel-cancel at times. I will not willingly subject myself to it (laughing emoji),” pahayag niya.
Sa isa pa niyang komento, sinabi ni Rica na tama lamang ang naging desisyon niyang sundin ang kanyang instinct at tanggihan ang offer noon dahil alam niyang maaaring mas piliin ng network ang kapakanan ng programa kaysa sa personal niyang image.
Sey niya, “Yeah. I think early on pa lang, I knew na between the show’s rating and my image, the network will s’yempre choose what benefits them. Tama lang naman as a business choice, of course. Kaya ‘di mo rin mahe-help ‘pag ganyan, mas need mo mag-isip for yourself talaga.”
May ilang netizens din na nagkomento sa post ni Rica, kabilang ang isang nagsabing hindi pa gaanong toxic ang social media noon.
“Don’t worry, wala pang socmed noon, malamang. Hahaha! Kung meron man, ‘di ganito kalala ang toxicity,” sey ng isang netizen.
Sinagot naman ito ni Rica at inaming posibleng mas matindi ang pambabatikos na matatanggap niya kung may social media na noong panahong inalok siyang sumali sa PBB.
“Totoo. Tingin ko nga, if may socmed noon, grabe na ako sa pagkaka-cancelled at napaka-foolish ko lang talaga as a young person noon,” sagot niya.
Samantala, may isang netizen na nagtanong kung hindi ba talaga dumaan sa audition ang mga pinipiling housemates noon at kung celebrities lamang ang kinukuha ng programa.
“So ‘di pala talaga s’ya through audition kineme. They asked certain people (celebrity) to be part of it. Pinagloloko talaga tayo ng PBB noon pa. ‘Yung pinakaunang season lang yata talaga d’yan ang totoo,” komento nito.
Nilinaw naman ni Rica na may audition talaga ang PBB dahil may kaibigan siyang gustong sumali at sinabihan din itong mag-audition.
“Ay, totoo po ‘yung audition. May friend ako na gustong sumali, they asked him to audition. Ako naman ay noon na noon pa ‘to. Baka kasi nag-start pa lang ‘yun? I do believe they ask celebs to guest from time to time,” paliwanag ni Rica.
Well, totoo nga na PBB will either make or break you.





Comments