Robin Padilla, masyadong mataas ang tingin sa sarili
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 1, 2022
KUNG GINAYA LANG NI SEN. ROBIN PADILLA SINA DOLPHY AT WILLIE REVILLAME, HINDI SANA SIYA NAHIHIRAPAN SA SENADO—Inamin ni Sen. Robin Padilla na nahihirapan siya sa trabaho niya sa Senado, lalo na sa mga usaping legal dahil English-an ang mga kapwa niya senador.
Kung sana ay natanim sa isipan ni Robin ang sinabi noon ng mga kapwa niya artista na hindi ginamit ang kasikatan para pumasok sa pulitika ay hindi sana siya nagmamarakulyo ngayon sa publiko na nahihirapan siya sa pinasok niyang bagong larangan, ang pagiging senador.
Siguro naman, hindi pa limot ni Robin ang sinabi noon ni Dolphy na… “Kung papasok ako sa pulitika, isa lang ang ikinatatakot ko ang manalo kasi hindi ko alam ang gagawin ko kapag nand’yan na ako” at ang sinabi ni Willie Revillame na… “Hindi ko kayang pumasok sa isang bagay (pagiging pulitiko) nang wala akong kakayahan.”
◘◘◘
IMBES NA BIGYAN NG DAGDAG-BIYAYA ANG MGA GURO, IBINASURA PA NI P-BBM ANG TAX EXEMPTION SA MGA TITSER—Mali ang akala ng mga guro na sa panahon ni Pres. Ferdinand “Bongbong” Marcos (P-BBM) ay madadagdagan na sila ng mga biyaya.
Imbes na dagdag-biyaya, vineto o ni-reject ni P-BBM ang panukalang batas na tax exemption sa honoraria, allowances at iba pang financial benefits para sa lahat ng election workers at kabilang sa tinamaan dito ang mga guro na nagsisilbing poll workers sa panahon ng halalan.
◘◘◘
MGA GURO, SAMA NA NG LOOB ANG INABOT SA DUTERTE GOV’T., SAMA PA RIN NG LOOB ANG INABOT NGAYON SA MARCOS GOV’T.—Noong panahon ni ex-P-Duterte ay sumama ang loob sa kanya ng mga guro dahil hindi niya tinupad ang promise niyang dobladong suweldo sa mga titser.
At ngayong panahon ni P-BBM, sama na naman ng loob ang naramdaman ng mga guro dahil malaking bagay na sana para sa kanila ang hindi mapatawan ng tax ang matatanggap nilang mga honoraria, allowances at iba pang benepisyo, eh, tinabla pa ng pangulo.
◘◘◘
ALIN KAYA ANG MAGKI-KLIK SA TAKILYA, ANG PELIKULANG HANGO SA KABUTIHAN NG MARCOS O ANG PELIKULANG HANGO SA KALUPITAN NG DIKTADURYANG MARCOS?—Mainit na pinag-uusapan ngayon ang tapatan sa August 3, 2022 ng mga pelikulang “Maid in Malacañang” na ang istorya ay may kinalaman sa kabutihan ng pamilya Marcos at ang pelikulang “Katips” na ang istorya ay may kinalaman naman sa malupit na karanasang sinapit ng mga aktibista sa panahon ng diktaduryang Marcos.
Alin kaya sa dalawang pelikulang ito ang magki-klik sa takilya?





Comments