top of page

Kung may war games, mayroon din kayang peace games?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 17, 2023
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 17, 2023


Noong nakaraang Agosto 2022, ginunita ni Papa Francisco ang simula at katapusan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig o World War II. Nagsimula ang WWII noong ika-1 ng Setyembre, 1939 at tumagal ito hanggang ika-2 ng Setyembre, 1945.


Ang dapat ibunga ng alaala ng WWII ay ang masigasig na pagtataguyod ng kapayapaan sa sarili, pamilya at panlipunan at pandaigdigang buhay. Madaling isipin ang pakikipagtunggali at pagwawagi sa kalaban, ngunit hindi kaya ganundin kadaling isipin at isagawa ang pakikipagkasundo at sama-samang pagtaguyod sa kapayapaan?


Sa gitna ng napakaraming isyu na hinaharap ng ating bansa, napapanahong tumigil tayo at tingnan ang isang napakaselan at napakahalagang usapin na hindi eksklusibo o namumukod-tangi sa ating bansa.


Mula nang lusubin ng Russia ang Ukraine noong ika-24 ng Pebrero, napansin na rin ng mundo ang tumitinding panghihimasok at pagbabanta ng Tsina sa iba’t ibang mga bansa tulad ng Taiwan at Pilipinas. Mapapansin na rin natin ang unti-unting pagpapakita ng suporta mula sa ibang bansa para protektahan ang mga bansang naaapektuhan na ng agresibong pagkilos ng Tsina sa himpapawid, karagatan at lupa.


Sa mga nakaraang araw ng linggong ito at sa mga nagdaang buwan, mayroong balita tungkol sa pagsasanib-puwersa ng ating bansa sa Estados Unidos sa pamamagitan ng EDCA o Enhanced Defense Cooperation Agreement.


Nagsimula na ang maraming mga nagkakaisang ‘war drills’ ng mga sundalo sa nabanggit na dalawang bansa. Kasalukuyang nasa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija ang mga sundalong pinoy ng Philippine Army at Marines upang tumanggap ng pagsasanay sa mga sundalong Amerikano. Makikita sa harapan ng isang pahayagan ang pagpapakawala ng Javelin anti-tank weapon, o isang fire and forget missile system na gagamitin sa kauna-unahang pagkakataon ng mga sundalong Pinoy.


Nagmumukhang simple at inosenteng pagsasanay ang ginagawa ng mga sundalo ng dalawang bansa. Parang laro lang naman ang lahat ng ito, kaya ang ganitong mga pagsasanay ay tinatawag na ‘war games’.


Isang laro ba ang giyera, ito ba’y tulad ng anumang sikat na computer games na nilalaro ng mga kabataan ngayon? Kung mapapanood lang natin ang mga kinagigiliwang computer games na nilalaro ng mga kabataan ngayon, tiyak na masisindak tayo sa karahasan, dugo, walang tigil na patayan at gantihan ng mga magkatunggaling panig, at magugulat na lang tayo kung gaano tumatagal ang mga manlalaro nito.


Nakikilala ang mga larong ito bilang “Multiplayer Online Battle Arena (MOBA) games.


Sinilip ko sa computer ang ilan sa mga pinaka-popular na MOBA at ilan sa mga ito ang Mobile Legends: Bang Bang, Ragnarok, Roblox at MIR4. Hindi na natin sinama ang napakarami pang ibang MOBA. Ito ay tanda ng lumalaganap na “digital war gaming” o larong giyera sa computer ng ating mga kabataan.


Dahil sa kasikatan ng MOBA, tila naging ordinaryong laro na lang ang giyera. At kung makikita natin ang mga larawan, video, artikulo o anumang balita tungkol sa kasaluyang balikatan o larong giyera ng mga sundalong Pinoy at Amerikano, tila hindi ganong ka-seryoso ang dating nito dahil sa laganap na pagtrato ng giyera bilang ordinaryong laro.


Ngunit hindi laro ang giyera at kapayapaan. Nang hanapin ko sa internet ang salitang ‘peace games’, lumabas ang SENSE o Strategic Economic Needs and Security Exercise, ito ay isang programang nilalahukan ng mga kawani ng gobyerno, non-governmental organization (NGO) at iba pa sa Estados Unidos upang maranasan ang bisa ng ‘pragmatic decision making’ o praktikal na pagpapasaya sa pagpapalaganap ng kapayapaan.


Hindi na natin hihimayin ang naturang 3-day peace game o ang tatlong araw na larong kapayapaan, sapat nang sabihin dito na mayroon naman palang ibang mapaglalaanan ng talino, oras, pera at lakas maliban sa giyera.


Kung mayroong mga Army, Marines, Navy, Airforce, mayroon ding mga Peace Institutes.


Personal kong nakilala ang ilang mga indibidwal at institusyong nagtutulak ng kapayapaan sa Pilipinas tulad ng Miriam Peace Institute at SILSILA. Noong mga taong naglilingkod tayo sa Parokya ng Banal na Sakripisyo sa UP Diliman, naroon ang Movement for Muslim Christian Dialogue na binubuo ng tatlong pamayanan— Katoliko, Protestante, at Muslim.


Habang lumalawig at lumalalim ang EDCA sa ating bansa, hindi ba’t napapanahon na ring kumilos ang mga tunay na naniniwala at nagmamahal sa kapayapaan upang pakilusin ang lahat, hindi lang upang labanan ang giyera, kundi higit sa lahat ay upang itaguyod, palaganapin at pagtagumpayin ang kapayapaan?


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page