Kung may positibong tema sa huling SONA, ‘yun ay pagbibigay-prayoridad sa Department of Disaster
Resilience!
ni Ka Ambo - @Bistado | July 30, 2021
AYAW tumigil ang ulan.
Kalamidad pa more!
◘◘◘
NORMAL sa geographical location ng Pilipinas sa world map na makaranas ng kalamidad tulad ng malalakas na ulan at bagyo.
Ang hindi normal ay ang kawalan ng solusyon sa problemang kakambal ng kanyang kasaysayan!
◘◘◘
NASA gitna ng ring of fire ang Pilipinas at sangkatutak ang bulkan pero hindi nakahanda ang bansa Magnitude 8 at serye ng mga pagsabog ng bulkan.
Kahinaan ito ng kukote at kakapusan ng inobasyon upang makagawa ng solusyon!
◘◘◘
NAPALiLIGIRAN din ng bundok at may malalambot na klase ng kalupaan.
Ibig sabihin, normal lamang magkaroon ng landslide sa panahon ng malakas na ulan at paglindol.
Pero, walang epektibong preparasyon ang pamahalaan!
◘◘◘
KUNG may positibong tema sa huling SONA ni P-Digong, ayon kay Rep. Lucy Torres Gomez ng Ormoc, Leyte, ito ay ang pagbibigay-prayoridad sa pagbuo ng Department of Disaster Resilience.
Buhay na saksi si Gomez nang makaranas ng delubyong malaking baha ang Ormoc kung saan marami ang nasawing residente ng siyudad!
◘◘◘
UMAAKTONG chairperson si Gomez sa House committee on Disaster Resilience kaya’t iniakda niya ang House Bill No. 5989 na lilikha sa DDR.
Pag-iisahin na lahat ang programa at pagkilos sa ilalim ng DDR na may kaukulang badyet pero ito ay nakabinbin pa sa Senado matapos pagtibayin ng Kamara sa ikalawa at ikatlong pagbasa!
◘◘◘
HINIHILING ng kongresista sa mga senador na bigyang-prayoridad ang DDR bill upang maisabatas ito bago matapos ang termino ni P-Digong.
Kailangang ang epektibong iskema at orkestradong solusyon sa panahon ng kalamidad na nararanasan din ngayon sa iba’t ibang panig ng daigdig!
◘◘◘
MAGING ang COVID-19 pandemic ay isang klase ng kalamidad na hindi malinaw kung paano masosolusyunan dahil walang iisang department na nakatutok dito.
Kumbaga sa musika, hindi maaaring sintunado ang instrumento kung saan may iba’t ibang nota ang lahat ng nagmamaniobra!
◘◘◘
HINDI sapat ang pondo, tauhan o resources sa pagbibigay-solusyon, bagkus ay kailangan ang kongkreto, malinaw at may iisang direksiyon at nagkumpas sa lahat ng klase ng pagkilos.
Ito ang mismong mithiin ng DDR, isang sangay lang ng gobyerno ang kukumpas upang makatikim ng epektibong solusyon na magbibigay kapanatagan sa mamamayan sa panahon ng kalamidad!





Comments