Kung masipag mag-ikot ang mga pulis, maiiwasan ang krimen
@Editorial | May 17, 2023
Iniulat ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang pagbaba ng krimen sa unang bahagi ng buwan ng Mayo.
Malaking bagay ang mas pinaigting na pagbabantay, police operations, intelligence operations, community based program, pinalakas na ugnayan sa iba’t ibang ahensya at ang mahusay na sistema ng pagre-report at pagmo-monitor ng mga krimen.
Batay sa ulat, mayroong pagbaba nang 10.66% sa 13,392 na kaso ngayong taon kumpara sa 14,990 na kaso noong 2022 ng mga tinatawag nilang focus crimes gaya ng homicide, physical injury, robbery, theft, rape at carnapping.
Ang physical injury ang may pinakamalaking pagbaba nang 25.68% na 1,592 kaso sa 2023 kumpara sa 2,142 na kaso noong 2022.
Saludo tayo sa mga pulis na masisipag at talagang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Sa mga parak naman na tatamad-tamad, sana ay magkaroon din ng pagkakataon o paraan para mas mabilis silang masibak dahil sayang ang pasuweldo sa kanila ng taumbayan.
Ang inaasahan natin ay mga tunay na lingkod-bayan at hindi tauhan ng mga 'lords'.
Kaya patuloy na hamon sa pamunuan ng PNP na masubaybayan ang kanilang hanay. Tiyaking nagtatrabaho at hindi natutulog sa pansitan.



Comments