Kung maayos ang transpo system, mabilis ang usad ng pag-unlad
@Editorial | Enero 11, 2023
Nangungulelat na raw ang transportation system ng Pilipinas kumpara sa iba pang bansa sa Timog-Silangang Asya.
Kaya kailangang mas tutukan ng gobyerno ang pangangailangan para sa modernisasyon ng transpo system.
Batay sa pagtataya, 35 years na tayong napag-iiwanan sa infrastructure development at transportation modernization kumpara sa mga kalapit na bansa.
Hindi natin binabalewala ang mga proyekto ng pamahalaan na nakikita naman nating nagpapatuloy hanggang ngayon pero, baka nga kulang pa ang pamumuhunan sa imprastruktura.
Tiyak na may mailalabas pa tayo para mas mapabuti ang sistema ng transportasyon na magpapabilis sa pag-usad ng ekonomiya.
Ngayong nangako naman na si Pangulong Bongbong Marcos na magtutuluy-tuloy ang administrasyon sa pamumuhunan sa pagpapabuti ng sistema ng transportasyon sa bansa, ang hihintayin natin ay ang matupad ito.
Isinagawa na ang launching ng tunnel boring machine ng Metro Manila Subway Project. Ang naturang programa ay magandang simula para sa 2023.
Kasabay nito ang pag-apela sa publiko ng mas mahabang pasensya dahil kakailanganin pa ng ilang taon para matapos ang mga ganitong uri ng proyekto.
Kung haba lang ng pasensya, kayang-kaya 'yan, ang mahalaga ay nakikita na kumikilos ang gobyerno para mapabuti ang kalagayan ng mamamayan.
Minsan nang nagtiwala ang milyun-milyong Pinoy sa mga lider sa kasalukuyan, panahon naman na para ibalik ang tiwalang ito sa pamamagitan ng tapat na serbisyo-publiko.



Comments