Kung maaayos ang teacher education at training, aangat din ang buong bansa!
ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 22, 2020
Kamakailan ay inihain ng inyong lingkod ang Senate Resolution No. 526 na naglalayong tukuyin ang mga hamong kinahaharap ng “teacher education and training.”
Bunsod ng mababang passing rate ng mga guro sa Licensure Examination for Teachers (LET) nitong mga nakaraang taon, talagang napapanahon nang i-angat ang kalidad ng pagtuturo at pagsasanay para sa ating mga guro.
Mahalaga ito upang maiangat din ang kalidad ng pagkatuto ng mga estudyante.
Sa isang pagdinig sa Senado, ibinahagi ni Professional Regulation Commission (PRC) Board for Professional Teachers Chairman Dr. Rosita Navarro na wala pang 50 porsiyento ang average passing rate para sa mga kumuha ng LET sa unang pagkakataon mula 2014 hanggang 2017.
Kahit noong nakaraang taon ay mababa ang naitalang passing rate para sa mga kumuha ng LET.
Sa elementary level, ang passing rate para sa mga kumuha ng LET noong Marso 2019 ay 27.29 porsiyento habang 31.24 porsiyento lamang ang mga nakapasa noong Setyembre 2019. Para naman sa secondary level, ang passing rate para sa mga kumuha ng LET noong Marso 2019 ay 26 porsiyento lamang at halos 40 porsiyento lang para sa mga kumuha nito noong Setyembre.
Isa sa naging pagsubok sa sektor ng edukasyon ang naging performance ng Pilipinas sa 2018 Programme for International Student Assessment na isinagawa ng international organization na Organisation for Economic Cooperation and Development.
Sa mga mag-aaral na sumabak mula 79 na bansa, ang mga mag-aaral natin ang nakakuha ng may pinakamababang marka sa Reading Comprehension at pangalawang pinakamababa pagdating sa Science at Mathematics.
Lumabas din sa isang pag-aaral ng World Bank Group at Australian Aid na maliban sa mga English elementary teachers sa Pilipinas, ang isang pangkaraniwang guro sa elementarya at high school sa bansa ay hirap sumagot sa ilang tanong ng content tests.
Nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Education (DepEd) ang 85 porsiyento ng ating mga mag-aaral at 75 porsiyento ng mga guro.
Importanteng mai-angkop ang edukasyon ng mga guro ayon sa mga pamantayan ng DepEd lalo na’t karamihan sa mga nagsisipagtapos mula sa Teacher Education Institutions (TEIs) ay nagiging guro sa mga pampublikong paaralan.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture, layunin natin ay masuri ang performance ng mga TEIs upang mas mapalakas at mapatatag ang kaalaman at kasanayan ng mga guro at gawin silang handa sa mga pangangailangan ng ika-21 siglo.
Napapanahon nang masuri ito nang maigi lalo na’t isinasalamin ng kalidad ng mga guro ang kalidad ng kaalaman ng ating susunod na henerasyon. Kung maaayos natin ang teacher education at training, aangat din ang buong bansa.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments