Kung bawal ang party, dapat mas bawal ang pasugalan
- BULGAR
- Jun 8, 2021
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | June 08, 2021
GOV. SINGSON, UMAKSIYON AGAD NANG MALAMANG MAY COVID ANG MGA KUBRADOR, IPINATIGIL ANG STL; PERO SINA GOV. ESPINO, GOV. REMULLA, GOV. YNARES, GOV. HERNANDEZ AT GOV. MANDANAS, “NGANGA” LANG!—Agad ipinatigil ni Ilocos Sur Gov. Ryan Singson ang operasyon ng STL (small-town lottery) sa lalawigan nang makumpirmang positibo sa COVID-19 ang karamihan sa mga kubrador na nagpapataya sa sugal, at ito raw ang dahilan kaya tumaas ang bilang ng COVID-19 cases sa probinsiya.
Mabuti pa si Gov. Singson umaksiyon agad, ipinatigil na ang STL sa Ilocos Sur para hindi na lumaganap ang COVID-19 sa kanyang lalawigan, samantalang sina Pangasinan Gov. Amado Espino III, Cavite Gov. Jonvic Remulla, Rizal Gov. Rebecca Ynares, Laguna Gov. Ramil Hernandez at Batangas Gov. Hermilando Mandanas, “nganga” sa mga kubrador ng jueteng at “Perya ng Bayan” na nag-o-operate sa kanilang mga nasasakupang lalawigan, boom!
◘◘◘
PASUGALAN NA MAS PINAGMUMULAN NG HAWAAN NG COVID-19, KAILAN PAGBABAWALAN?—Inanunsiyo ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na bawal ang anumang party dahil isa umano ito sa mga sanhi kaya dumarami ang mga nagkaka-virus sa bansa.
Eh, ang lahat ng pasugalan, kailan naman kaya ipagbabawal?
Sa totoo lang, ang mga kubrador na nagbabahay-bahay para magpataya ng sugal ay sanhi rin ng pagdami ng mga nagkaka-COVID-19 at napatunayan na ‘yan sa Ilocos Sur, ang daming kubrador na may COVID-19 ang nakahawa ng virus kaya ipinatigil na ni Gov. Singson ang operasyon ng STL sa lalawigan, period!
◘◘◘
SI DILG SEC. AÑO ANG DAPAT UMAKSIYON AT MAGPAHULI SA MGA GAMBLING LORDS—Kung walang gagawing aksiyon sina Gov. Espino, Gov. Remulla, Gov. Ynares, Gov. Hernandez at Gov. Mandanas para utusan ang mga pulis na hulihin o ipatigil ang operasyon ng jueteng at “Perya ng Bayan” sa kanilang mga lalawigan, ang dapat umaksiyon dito ay si DILG Sec. Eduardo Año.
Dapat utusan niya ang mga PD (provincial director) na dakpin ang mga gambling lords na sina “Fajardo” at “Manalac” sa Pangasinan; “John Yap” sa Cavite at Rizal; “Ibora”, “Toce” at “Alvarez” sa Laguna at “Reyes” at “Biskotso” sa Batangas upang matigil na ang kanilang mga kubrador sa pagbabahay-bahay at nagkakaroon ng close contact sa mga mananaya, boom!
◘◘◘
YORME ISKO, “NGANGA” SA RAKET NINA “BOY ABANG” AT “LORNA” SA MAYNILA—Hindi lang ang mga sugal na jueteng, “Perya ng Bayan” at STL ang may mga kubrador kasi maging ang bookies nina “Boy Abang” at “Lorna” sa Maynila ay may mga kubrador din na nagbabahay-bahay para magpataya.
Ang masaklap, sa kabila na nagkakaroon din ng close contact sa mga mananaya ang mga kubrador ng bookies sa Maynila ay “nganga” lang si Manila Yorme Isko Moreno sa raket na ito, buwisit!





Comments