Kumilos na bago pa tayo matabunan ng trak-trak na basura
- BULGAR
- Jan 9, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Enero 9, 2024
Mahigit sa 2.6 milyong kilo ng basura ang nakolekta, kasabay ng paglulunsad ng programang Kalinga at Inisyatiba Para Sa Malinis na Bayan (KALINISAN) ng administrasyong Marcos.
Sa pahayag ng Presidential Communications Office (PCO), inilunsad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Sabado ang naturang programa na may national simultaneous clean-up drive kabilang dito ang mahigit 9,000 barangay.
Ginanap ang kick-off ceremony para sa programa sa Baseco Compound sa Tondo,
Maynila, na pinangunahan ni DILG Secretary Benhur Abalos, kung saan kasabay din ito ng pagdiriwang ng Annual Community Development Day.
Ayon sa PCO, batay sa isang national status report ng DILG na inilabas nitong Linggo ay nagpakita na ang KALINISAN program ay nakakolekta ng 2,646,948 kilo ng basura mula sa 9,189 na mga kalahok na barangay sa bansa.
Nasa tinatayang 580,000 katao at 109,939 lokal na mga opisyal ang lumahok sa ginanap na clean-up drive.
Karamihan sa mga participant ay nasa Calabarzon na may 117,161; sinundan ng Cagayan na may 103,249; at Central Luzon na may 103,044. Ang National Capital Region (NCR) naman ay mayroong 39,109 na kalahok.
Binigyang-diin naman ni Abalos na kikilalanin ng DILG ang mga local government unit (LGU) na may mahusay na implementasyon ng KALINISAN program kada quarter.
Aniya, layon ng programa na ipakita ang diwa ng volunteerism habang tinitiyak nito ang ligtas at malusog na komunidad.
Mainam ang programang ito ng kinauukulan na himuking lumahok ang taumbayan sa pagkakaroon ng responsibilidad sa ating kapaligiran sa pamamagitan ng tamang solid waste management.
Sa totoo lang, napakarami talagang basura ang nakokolekta araw-araw ng ating mga basurero na kung hindi nila mahahakot ay magdadala ito ng sakit na magiging banta naman sa ating kalusugan.
Sana lang, huwag nating paabutin na matabunan tayo ng trak-trak ng basura bago tayo kumilos at maglinis.
Paalala rin sa ating mga kababayan na bukod sa pakikiisa sa ganitong programa ng kinauukulan ay tayo mismo ang magkaroon ng inisyatiba na panatilihing malinis ang ating mga barangay o munisipalidad habang iwasan nating magkalat at magtapon ng basura kung saan-saan na maaaring magdulot ng pagbabara ng ating mga estero at kanal. Isipin natin lagi ang maging malinis at dapat na magtulung-tulong tayo para sa ikagaganda at ikauunlad ng ating kapaligiran.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments