Kumalat, fake news daw… MAYOR VICO, PINALAGAN ANG PREVENTIVE SUSPENSION ORDER DAW NG OMBUDSMAN
- BULGAR

- 3 hours ago
- 4 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | July 14, 2026

Photo: Vico Sotto - FB
Mariing pinabulaanan at tinawag na fake news ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang mga naglalabasang ulat na papatawan umano siya ng preventive suspension order mula sa Office of the Ombudsman dahil sa isang umuusbong na isyu.
Ayon sa mga kumakalat na mapanirang impormasyon, ang nasabing reklamo umano ay dahil sa hindi paglabas ng P1,500 one-time cash allowance para sa mga kawani ng Pasig City Hall noong nakaraang founding anniversary ng lungsod.
Sa pamamagitan ng isang matapang at malinaw na Facebook (FB) post nitong Sabado, Hulyo 11, tahasang ipinahayag ng butihing alkalde na ang mga ganitong uri ng propaganda ay posibleng pinopondohan ng mga taong may pansariling interes.
Ayon sa kanya, matagal na siyang nakakatanggap ng sumbong na binibili ang mga FB page para sa ganitong uri ng gawain.
Hinimok din ni Mayor Vico ang publiko na i-report ang nasabing page na “I Love Pasig” na umano’y nagpakalat ng maling impormasyon.
Nagpaalala rin siya na maging mapanuri sa mga nababasa at nakikita sa social media.
Matatandaang hindi ito ang unang beses na siniraan si Mayor Vico ng mga social media page. Noong Abril, 2025, kumalat ang isang video kung saan makikitang isang 77-anyos na babaeng person with disability (PWD) ang pinilit at tinuruan kung ano ang sasabihin upang dungisan ang pangalan ng alkalde.
Si Vico ay kilala bilang isa sa mga pinakabatang alkalde sa Metro Manila na naging popular dahil sa kanyang transparency at anti-corruption stance. Simula nang maupo bilang mayor ng Pasig City, madalas siyang target ng fake news at propaganda sa social media.
Mister na si Zoren, red flag daw…
CARMINA, AMINADONG ‘DI TATAGAL SA TOXIC RELATIONSHIP
MATAPANG na sinagot ng aktres na si Carmina Villaroel ang mga nagsasabing ‘red flag’ ang mister niyang si Zoren Legaspi.
Guest sa digital show ng ABS-CBN na Hot Takes (HT) ang aktres at natanong tungkol sa mga pinakamasakit na kritisismo online na ibinato laban sa kanyang mister at sa kanilang matagal nang pagsasama.
Ani Carmina, hindi niya pinapansin ang mga matitinding kritisismo dahil hindi naman talaga alam ng mga tao ang tunay na ugali ng kanyang mister.
Mariin niyang sinabi na kung talagang toxic partner si Zoren, malamang ay lumayo na rin siya.
Ang pamumuhay ng kanilang pamilya ay lantad sa publiko, pero patuloy pa rin ang paghuhusga mula sa mga netizens.
Wika niya, “There was a time na nasabihan si Zoren na red flag. Wala, dedma lang din ako.”
Paliwanag ni Carmina, ang pananaw ng publiko ay kadalasang lubos na naaapektuhan ng nakikita sa kanilang mga social media.
Aniya, “Kasi, like I said, you don’t know him. Kilala ko ‘tong taong ‘to, nakilala mo lang s’ya dahil sa napanood ninyo, sa napanood ninyo na unedited pa na ‘di ninyo alam kung saan nanggaling. ‘Di ninyo kilala ‘yung tao so how can you say na red flag s’ya?”
Nilinaw din ng aktres na hindi siya ‘yung tipo ng taong hahayaang magkaroon ng toxic relationship.
“Kami? Kilala namin ‘yung isa’t isa and kung red flag si Zoren, hello, matagal na akong wala sa marriage na ‘to, darling,” pagsisiwalat pa niya.
Pinuri rin ng maraming netizens si Carmina dahil sa kanyang hindi matitinag na katapatan sa asawa, pagiging mature sa pagharap sa mga isyu, at kumpiyansa sa kanilang relasyon.
Super idol niya, na-meet nang personal…
ECHO, NAGPA-FAN SIGN KAY CHRISTOPHER NOLAN SA POPCORN BOX
NAGPAKA-FANBOY si Jericho Rosales sa pagdalo niya sa premiere ng The Odyssey (TO) sa Mumbai, India, kung saan personal niyang nakita at nakasalamuha sina Matt Damon at award-winning director na si Christopher Nolan.
Ibinahagi ng aktor ang naging experience sa premiere. Aniya sa video caption na kanyang ipinost, “Warning: this video contains strong emotions to a great movie!”
Aniya, “Oh, my Godddd!” Wala siyang kiber kahit mabingi ang kanyang katabi sa sigaw niya.
“What an experience,” na tatlong beses niyang sinabi, at ilang beses din daw siyang napaiyak sa kuwento ng pelikula.
Iyon din ang kauna-unahang public audience screening ng pelikula kaya espesyal ang okasyon.
Una nang sinabi noon pa ng aktor, “I’m a long fan of Christopher Nolan and it’s an honor na maimbitahan sa premiere.”
Ramdam daw niya ang laki at kalidad ng pelikula sa IMAX.
“Thank you so much, Universal Pictures @universalpicturesph. The Odyssey opens July 5 in Philippine cinemas,” ang pasasalamat ni Echo.
Nagkaroon din siya ng pagkakataong makasalamuha sina Nolan, Matt at iba pang miyembro ng cast sa red carpet at premiere event.
Ibinahagi rin niya ang popcorn box, na habang kinakain ay may pagmamalaking sinabing, “Christopher Nolan signed this for me.”
Isa raw ‘yung souvenir na labis niyang ipinagpapasalamat bilang matagal nang fan ng direktor.
Kaya naman, sobrang tuwa rin ang mga kapwa-celeb at netizens para sa kanya.
Napa-“OMG!” na lang si Bea Alonzo sa kanyang komento.
“OMGGG! Christopher Nolan!!! Matt Damon!!! That popcorn box,” na nilagyan ng tatlong heart emojis, wika naman ng aktres na si Iza Calzado.
“Your enthusiasm and excitement makes me so happy.”
“Lucky man.”
“So happy for you, sir.”





Comments