Kumakalat na si Rep. Mikee ang itatalaga sa DOE, pinalagan
- BULGAR
- May 21, 2022
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | May 21, 2022
MAY inilabas na mga pangalan na itatalagang bagong miyembro ng gabinete sa ilalim ng BBM Administration.
Ilan dito ay kinumpirma pero ilan ay nanatili pa rin sa status ni ‘Marites’.
◘◘◘
PINAKAKONTROBERSIYAL na pangalan ngayon ay si Rep. Mikey Arroyo na anak ni ex-PGMA.
Nababahala kasi ang ilang sektor ng ekonomiya sa ulat na itatalaga ang batang Arroyo sa Department of Energy (DOE).
◘◘◘
AYON sa United Filipino Consumers and Commuters (UFCC), dapat pag-isipang mabuti ni incoming President Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr. ang paghirang kay Mikey sa DOE.
Inilalarawan ng pangulo ng UFCC na si RJ Javella na “bad news” ang ulat na itatalaga si Mikey sa DOE dahil nakataya ang kapakanan at interes ng mga konsyumer at komyuter.
◘◘◘
HAMON ng UFCC sa susunod na Pangulo, tupdin ang Article 12, Section 17 at 18 na mag-aalis ng kontrol ng mga oligarko sa serbisyo ng kuryente, tubig, toll roads at iba pa.
Sa pamamagitan ng naturang batas, maipatutupad ni BBM ang kanyang plataporma na pababain ang singil sa elektrisidad at presyo ng petrolyo.
◘◘◘
NAGDUDUDA ang ilan kung paano maipatutupad ni Mikey ang plataporma ni BBM gayung wala siyang expertise maliban sa pagiging pulitiko tulad ni DOE Secretary Alfonso Cusi.
Dapat ay makumbinse ni Mikey ang taumbayan na mayroon siyang sapat na karanasan at kaalaman hinggil sa naturang responsibilidad.
◘◘◘
DUMARAING pa rin ang mga tsuper at operator ng public transport.
Gumagapang na sila sa hirap.
◘◘◘
BAGAMAN, isang napakasopistikadong ahensiya ang DOE, pero sakaling mahusay ang maitatalaga dito, milyun-milyong Pinoy ang masasaklolohan nila kapag napababa nang todo ang singil sa elektrisidad at presyo ng petrolyo.
Pinagsususpetsahan kasi na ang DOE ay mas kumakampi sa mga korporasyon kaysa sa konsyumer.
◘◘◘
NAGWAGI si BBM dahil siya na lang ang tanging nakakaunawa sa kapakanan ng ordinaryong mamamayan.
Alalahanin natin na ang bulto ng boto ni BBM ay mula sa hanay ng mga ordinaryong mamamayan at mula sa mga nagdarahop.
◘◘◘
SANA’Y hindi magkamali si BBM sa pagtatalaga ng mga tao sa lahat ng sangay ng burukrasya.
Kapag nagawa niya 'yan, iyan na mismo ang radikal na pagbabago mula sa “gitna” na ang tinutukoy ay ang mismong pamahalaan.








Comments