top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Kulong sa smugglers at hoarders, mas epektib sa price cap

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 3, 2023
2 min read

@Editorial | September 3, 2023


Simula sa Setyembre 5, 2023 ay ipatutupad na ang Executive Order (EO) No. 39 ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na nagtatakda ng price cap sa bigas.


Batay sa kautusan, hindi dapat lumampas sa P41.00 ang presyo ng kada kilo ng regular milled rice, at P45.00 naman sa kada kilo ng well-milled rice.

Maaaring magandang balita ito sa mga konsyumer pero sa mga nagtitinda ng bigas ay pangamba ang dulot nito dahil posible umanong hindi nila kayanin ang itinakdang presyo ng Pangulo lalo’t mas mataas umano ang kanilang puhunan.


Ayon sa ilang retailers, nasa P49 hanggang P51 kada kilo ang kuha nila sa ibinebentang bigas.


Lugi na sa produkto, problemado pa kung saan kukunin ang pasahod sa mga tao, bayad sa puwesto at iba pang gastusin. Ang tanging solusyon umanong naiisip nila ay tumigil na lang sa pagtitinda ng bigas.


Sa kabilang banda, may mga nagsasabi naman na kaya pang ibaba ang price cap kung susundin lang umano ang rule of thumb sa pagtatakda ng presyo ng bigas. Kung nabili umano ng rice traders sa median price na P19 hanggang P22 kada kilo ang palay at idagdag pa ang mga mga gastusin sa milling, drying, hauling, transportasyon at iba pa, kung ibabatay sa rule of thumb, dapat nasa P30 hanggang P37.40 lang umano ang magiging presyo ng kada kilo ng bigas.


Umaasa tayo na walang madehado sa price ceiling, pare-pareho tayong apektado ng taas-presyo, pwera lang talaga sa iba na nagpapakasasa sa pera na ‘di naman nila pinagpawisan.


Sa totoo lang, kung noon pa sana naging masigasig at talagang seryoso ang gobyerno sa paghabol sa mga smugglers at hoarders, hindi siguro aabot sa ganitong sitwasyon. Ilang bodega na ang na-raid at bilyun-bilyong pisong halaga na ng bigas ang nasabat pero may nakulong na ba?


Sana, kung gaano kabilis na naibaba ang utos na price cap sa bigas ay ganu’n din kabilis na matunton at mapanagot ang mga nasa likod ng pananabotahe sa ekonomiya ng bansa.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page