Kulong sa mga pasaway na employer, dapat lang

ni Ryan Sison @Boses | July 23, 2024

Maaaring mapatawan ng pagkakakulong ng anim hanggang 12 taon ang mga delingkwenteng employer na hindi nagbabayad o nagre-remit ng Social Security System (SSS) contributions ng kanilang mga empleyado.
Ito ang naging babala ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo sa mga pasaway na employer na patuloy na binabalewala ang umiiral na batas.
Ayon kay Tulfo, nito lamang nakaraang linggo ay halos 100 call center agents ang nagtungo sa kanilang opisina para ireklamo ang kanilang kumpanya.
Aniya, nalaman lamang umano ng mga ito na hindi nire-remit ng employer nila ang kanilang kontribusyon sa SSS nang mag-loan ang ilan sa kanila, habang sinabing hindi raw naghuhulog ang employer nila.
Gayundin, may ilang guro sa isang pribadong paaralan sa Cavite ang nagsumbong na wala umanong hulog ang kanilang SSS.
Binigyang-diin naman ng mambabatas na kapag ang mga employer ay kinaltasan ang suweldo ng mga empleyado o manggagawa nila dapat itong i-remit o ibayad sa SSS dahil kung hindi ito ginawa ay may kaukulang parusa na naaayon sa batas.
Paalala rin ni Tulfo sa mga employer ng mga kasambahay, family drivers at houseboy na kailangan nilang bayaran sa SSS ang nararapat na halaga para sa kanilang mga tauhan.
Tama lang na maparusahan ng pagkakakulong ang mga makukulit o pasaway na employer na dinededma lamang ang pagbabayad ng nararapat na kontribusyon sa naturang kagawaran para sa kanilang mga empleyado.
Hindi kasi makatarungan na ang pinaghirapan at pinag-iipunan ng mga empleyado para sa kanilang inaasahan sa pagtanda ay hindi naire-remit ng kumpanya nila.
Hindi ba’t malinaw naman na isang uri ito ng pagnanakaw?
Kaya sa mga employer, sana ay maging tapat kayo sa inyong mga empleyado. Gawin na ibayad sa naturang kagawaran ang mga kinakaltas ninyo mula sa mga tauhan habang mas piliin ang maging maayos at mabuting employer.
Sa mga naagrabyadong manggagawa, dapat sigurong isumbong sa kinauukulan sakali mang masuong sa ganitong sitwasyon upang kayo ay matulungan at maaksyunan agad ang inyong problema. Gayundin, ugaliin sanang itsek ang inyong mga account para naman makita ninyo kung updated talaga ang inyong mga kontribusyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments