Kulong na sa provincial jail, marami pang ibubulgar sa flood scam... Damay-damay na lahat — Curlee
- BULGAR

- Jun 9
- 1 min read
ni Jeff Tumbado @News | June 9, 2026

Photo: Senate PH
Mahigit 150 pang opisyal ng gobyerno, kabilang ang mga kongresista na umano’y tumanggap ng kickbacks sa flood control projects, ang papangalanan ng kontratistang si Curlee Discaya.
Sa pahayag ni Discaya na eksklusibong nakuha ng DZRH News, nagbanta si Curlee na baka patuloy na madulas pa ang bibig niya sa pagsasabi ng katotohanan.
“Mga pulitikong manggagamit! Ginamit at pinabayaan nila ako. Ipinakulong ako dito sa Senado para mabusalan ang bibig ko! Ngayon, wala na ako sa Senado, marami pa akong papangalanang pulitiko. Damay-damay na lahat!”
Siyam na buwan umano siyang ikinulong sa Senado upang busalan ang kanyang bibig.
Samantala, pinangunahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla ang paglipat kay Curlee sa Bulacan Provincial Jail nitong Lunes.
Dumating si Remulla sa Bulacan Regional Trial Court (RTC) ilang minuto bago dumating si Discaya at ang kanyang mga abogado.
Si Judge Mirasol Ong Dychingco ng RTC Branch 20 ang duminig sa mga kasong graft at malversation na isinampa laban kay Discaya at sa 10 iba pang akusado.
Non-bailable ang naturang mga kaso laban kina Discaya.
Ayon kay Remulla, siyam na sa kabuuang 11 akusado ang naaresto na, habang dalawa pa ang nananatiling at-large at kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Sinabi rin ng kalihim na layunin ng paglipat kay Discaya na ipakita na siya ay tatratuhin tulad ng ibang persons deprived of liberty (PDL) at hindi bibigyan ng espesyal na pribilehiyo bilang isang VIP.
Samantala, sinabi ni Atty. Cornelio Samaniego, abogado ni Discaya, na kanilang gagamitin ang lahat ng legal na hakbang upang makakuha ng piyansa para sa kanilang kliyente.





Comments