Kulong at multa sa mga pasaway sa price freeze
@Editorial | July 30, 2023
Patuloy ang sama ng panahon at lumalawak na rin ang pinsalang dulot nito.
Bagama’t umuusad ang ayuda mula sa mga ahensya ng gobyerno at iba’t ibang organisasyon, may mga hindi pa rin naaabot ng tulong. Kumbaga, kani-kanya munang diskarte para maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan.
Kaugnay nito, inanunsyo na rin ng Department of Trade and Industry (DTI) na mayroong price freeze sa mga basic needs sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity dahil sa epekto ng nagdaang bagyo na si ‘Egay’.
Sa isang pahayag, nagbabala ang pamunuan ng ahensya sa mga hindi susunod sa nasabing price freeze.
Sa ilalim ng Republic Act 7581, o ang Price Act, na inamyenda ng RA 10623, ang mga presyo ng mga pangunahing pangangailangan ay awtomatikong magpapanatili sa kanilang umiiral na presyo sa loob ng 60 araw kapag naideklara na ang state of calamity sa isang lugar.
In-activate rin ng departamento ang monitoring teams para suriin kung ang mga establisimyento ay sumusunod sa kautusan.
Kabilang sa mga produktong sinusubaybayan ang presyo ay ang canned fish, locally manufactured instant noodles, bottled water, tinapay, processed milk, kape, kandila, laundry soap, detergent at asin.
Sa ilalim ng Price Act, ang mga mapapatunayang lumabag sa price freeze ay mahaharap sa parusang pagkakakulong sa loob ng isang taon hanggang 10 taon, multang mula P5,000 hanggang P1 milyon.
Kaya panawagan din sa mga mamimili, kapag may mga pasaway na retailer, distributor, at manufacturer, agad na ipagbigay-alam sa kinauukulan. Sa atin namang gobyerno, ilantad din sa publiko ang mga mahuhuling abusado at patawan ng nararapat na parusa.



Comments