Kulong at multa sa magnanakaw ng likha ng iba
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 7, 2022
Dear Chief Acosta,
Ako ay 10 years nang pintor at para sa pagkakakilanlan, ang aking mga nilikhang sining ay nilalagyan ko ng pangalan, pirma at petsa kung kailan ko ito sinimulang gawin. Noong nakaraang araw, nabigla na lang ako nang makita ko na ang isa sa aking mga likha ay nasa sa Art Gallery at may pirma ito ng ibang tao. Nais kong malaman kung ano ang maaari kong gawin? Salamat sa iyong pagtugon. - Roxy
Dear Roxy,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 2 ng Republic Act No. 9105, na kilala bilang “Art Forgery Act of 2001,” na nagsasaad na:
“Section 3. Definition of Terms - For purposes of this Act, the following terms or phrases used herein shall mean or be understood as follows:
(a) Art forgery is committed by any person or entity who commits any of the following acts:
(1) Affixing or causing to appear a usurped or forged signature or sign on any work of fine art;
(2) Counterfeiting or imitating any original signature or sign, with the intent to deceive the public or the buyer as to the authorship of a work of art;
(3) Selling or circulating any work of fine art bearing forged or usurped signatures or signs; and
(4) Imitating or reproducing any work of fine art with intent to deceive the public or the buyer as to the authenticity of the work. x x x”
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang mga gawain upang mameke ng mga likhang sining ay ipinagbabawal. Ilan sa mga labag sa batas na gawain tungkol sa pamemeke ng sining ay ang paglalagay ng pirma sa mga nasabing likha kung ito ay hindi ginawa ng nasabing tao at pagbebenta o pamamahagi ng likhang sining na may pekeng pirma. Nais din naming ipaalam sa iyo na may karampatang parusa ang sinumang mapatutunayan na lumabag ng nasabing batas base sa nasusulat sa Seksyon 11 ng Republic Act No. 9105.
Sa iyong nabanggit na sitwasyon, maaaring masabing nalabag ang Seksyon 2 ng Republic Act No. 9105 sa paglalagay ng pirma ng ibang tao sa iyong ipininta at pagbebenta o pamamahagi nito sa iba. Dahil sa paglabag na ito, maaari kang magsampa ng kaso laban sa mga responsable sa nangyari upang maparusahan ang mga ito, bukod pa sa kasong sibil na maaari mong isampa para sa anumang danyos na iyong tinamo dahil sa nangyari.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments