top of page
BIDA - KUH, PABOR SA TITO-KIKO TANDEM SA 2028, SINOPLA NG NETIZENS-IG _kuhledesma &reallys

Kulong at multa sa kasong malicious mischief

  • BULGAR
  • Jan 17, 2023
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 17, 2023


Dear Chief Acosta,


Mayroon akong kapitbahay na aking nakaalitan sa usaping parking sa harapan ng aming bahay. Isang araw ay natagpuan kong basag ang side mirror ng aking sasakyan. Upang malaman kung sino ang salarin sa pagkasira nito ay minabuti kong ipa-check sa barangay ang CCTV sa lugar namin. Hindi na ako nagulat nang nakita ko na ang aking kapitbahay ang may kagagawan ng pagkasira nito. Ano ang maaari kong ikaso sa kanya? - Berto

Dear Berto,


Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Article 327 ng Revised Penal Code:

“Art. 327. Who are liable for malicious mischief. — Any person who shall deliberately cause the property of another any damage not falling within the terms of the next preceding chapter shall be guilty of malicious mischief.”


Sang-ayon sa nabanggit, may karampatang kasong kriminal na malicious mischief ang intensyunal na pagsira ng mga personal na gamit na pagmamay-ari ng iba. Ayon din sa napagdesisyunang kaso ng Korte Suprema sa Taguinod v. People (G.R. No. 185833, 21 Oktubre 2011) na isinulat ni Kagalang-galang na dating Punong Mahistrado Diosdado M. Peralta (na noon ay Katuwang na Mahistrado), ang mga elemento para magkaroon ng malicious mischief ay ang mga sumusunod:

“(1) That the offender deliberately caused damage to the property of another; (2) That such act does not constitute arson or other crimes involving destruction; (3) That the act of damaging another's property be committed merely for the sake of damaging it.”


Kaya naman sa iyong sitwasyon, ang intensyunal na pagsira ng iyong kapitbahay sa side mirror ng iyong sasakyan para lamang sirain ito dahil sa inyong hindi magandang samahan ay maaaring magresulta sa kasong malicious mischief. Sa madaling salita, ang pagsira ng gamit na pagmamay-ari ng iba ay maaaring magsanhi ng pagkakakulong mula isa hanggang 30-araw, multa mula sa katumbas na halaga ng nasirang gamit hanggang P40,000 o parehong pagkakakulong at multa kung ang halaga ng nasirang gamit ay hindi hihigit sa P40,000 o hindi kayang matantiya, alinsunod sa Article 329 ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 10951.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page