Krutwig, binalikat ang Bossing kontra Dyip para sa 3rd win
ni Gerard Arce - @Sports | October 15, 2022

Muling binuhat ni import Cameron Krutwig ang Blackwater Bossing upang makuha ang ikatlong panalo, habang ipinalasap sa Terrafirma Dyip ang ika-21st losing streak sa iskor na 93-86 kahapon sa 2022 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Kumamada ang Amerikanong 6-foot-9 center ng double-double game-high 29 puntos at 24 rebounds upang dalhin sa 3-3 kartada ang Bossing, habang nalugmok sa 0-5 ang Dyip na mas lalong humaba ang losing streak sapul pa noong nagdaang komperensya.
Bumanat din si Baser Amer ng 21pts, 5 rebounds at 4 na assists, kabilang ang importanteng apat na free throws si Amer sa huling bahagi ng 4th period para sa panselyong panalo, gayundin si Troy Rosario sa 15pts at 5 boards at RaShawn McCarthy ng 10pts. Sumungkit naman si Ato Ular ng 12 rebounds at 6 puntos.
Nabigong mabuhat ni import Lester Prosper ang Terrafirma na tumapos lang ng 18pts na malayo sa kanyang averages kasunod ng 8-of-19 shooting lamang, habang sumegunda si Andreas Cahilig sa 12pts at tig-10pts nina Aldrech Ramos at JP Calvo.
Kontrolado ng Bossing ng halos apat na quarters kabilang ang unang period na nagtapos sa 15-12, subalit naging mabisa ang atake ng Terrafirma sa 2nd period nang makuha nila ang 8 puntos na kalamangan sa 30-22 sa nalalabing 6:13 ng laro mula sa lay-up ni Joshua Munzon. Subalit nagsimula ng mag-init si Krutwig na pinangunahan ang atake, na sinuportahan ni Amer at Ayonayon para maagaw ang kalamangan mula sa 15-6 run para pumasok sa halftime sa 37-36.
Hindi na binitawan ng Bossing ang takbo ng laro ng iakyat nila ang bentahe sa malaking kalamangan sa 14 sa 58-44 sa 5:50 mula sa lay-up ni Amer.





Comments