Krisis sa ospital sa Samar, inaksyunan na ng DOH

ni Mylene Alfonso @News | November 3, 2026

Photo: File / Calbayog District Hospital
Pinuri ni Samar Governor Sharee Ann Tan si Health Secretary Edwin Mercado sa mabilis na pagtugon sa matinding pagsisikip ng dalawang pampublikong ospital sa lalawigan, ngunit nanawagan ng pangmatagalang solusyon.
Batay sa ulat noong Oktubre 19, umabot sa 181 ang mga pasyente sa Calbayog District Hospital na may 75 kama lamang, habang 200 hanggang 250 pasyente ang tinatanggap ng Samar Provincial Hospital na may kapasidad na 100 kama.
Kasunod ng panawagan ni Tan, inatasan ni Mercado ang DOH Eastern Visayas na maghanda ng pansamantalang pasilidad, emergency medical teams at karagdagang kawani upang maibsan ang pagsisikip.
Nanawagan din ang gobernador na mapabilis ang paggamit ng P440 milyong pondong nakalaan sa pambansang budget—P140 milyon para sa Calbayog District Hospital at P300 milyon para sa Samar Provincial Hospital.
Hiniling ni Tan ang mas mahigpit na koordinasyon ng DOH at DBM upang makumpleto ang mga kinakailangang dokumento at maipatupad ang mga proyektong magpapalawak sa kapasidad at magpapahusay sa serbisyo ng dalawang ospital.





Comments