top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Krisis sa kuryente dapat matapos na

Writer: BULGAR
BULGAR
May 5, 2023
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 5, 2023



Matagal nang idinadaing ng maraming lalawigan ang madalas na brownout sa kani-kanilang lugar, ngunit pinakamatindi itong naranasan ng ating mga kababayan na naninirahan sa ilang bahagi ng Visayas.


Kinailangan pang si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) ang mangalampag sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na kailangang iresolba sa lalong madaling panahon ang power crisis na nararanasan sa ilang bahagi ng Kabisayaan.


Inatasan din ni P-BBM ang naturang korporasyon na regular na magsagawa ng update sa mga apektadong opisyal ng gobyerno hinggil sa kalagayan ng supply ng kuryente sa naturang mga lugar kabilang na ang pagtatayo ng Negros-Panay backbone project.


Pinaaapura na rin ni P-BBM ang kasunduan sa Ancillary Service Procurement Agreement (ASPA) kasunod nga ng matinding krisis sa elektrisidad sa island ng Panay, Guimaras at Negros.


Napilitan nang humingi ng saklolo si Iloilo Governor Toto Defensor dahil sa sobrang hirap na kanilang nararanasan dahil umaabot na umano ng 12 oras kada araw ang brownout at maraming negosyo na ang nalulugi hinggil dito.


Isa sa labis na naapektuhan ay ang mga hotel dahil karaniwan ay fully booked tapos walang kuryente kaya dagsa ang mga customer na nagbabayad naman ng maayos, ngunit palpak ang serbisyo ng kuryente.


Napakaraming pasyente ang imbes na gumaling sa matindi nilang karamdaman, lalo na ang mga naka-confine sa iba’t ibang pagamutan dahil sa asthma ay lalo pang lumala ang kalagayan at ginagawan na lamang ng paraan ng mga doktor para maibsan ang hirap na nararamdaman.


Galit na galit ang mga tao dahil sa panahon ito ng tag-init tapos dumaranas pa sila ng kawalan ng supply ng kuryente na lubhang delikado, lalo na sa mga may comorbidities na makaranas ng heat stroke.


Mabuting gumana sa tulong ng generator at kahit paano ay naitawid at makapagsagawa ng agarang Zoom meeting si Gov. Defensor, Iloilo Mayor Jerry Trenas at iba pang apektadong mayor ng lalawigan upang magtulung-tulong na kalampagin ang Department of Energy (DOE).


Ang resulta—kinailangang sabunin nang walang banlawan ni Mayor Trenas ang NGCP na batbat din ng katwiran at kung sinu-sino ang itinuturo kung bakit kinakapos ang supply ng kuryente—kumbaga, paulit-ulit lang, walang nangyayari at kaawa-awa ang taumbayan.


Ngayon, dahil nabulabog ang sitwasyon ay saglit na naibalik ang supply ng kuryente, ngunit ayon sa mga residente, hindi sila natutuwa dahil paulit-ulit lang naman na maghapong mawawalan ng kuryente tapos ibabalik sandali tapos brownout na naman.


Dahil sa hirap na dinaranas ng ating mga kababayan sa Visayas, inulan na tayo ng text messages at halos lahat ay humihingi na ng tulong dahil hirap na hirap na sila sa kanilang sitwasyon.


Kaya sa mga kababayan natin na grabe na ang hinagpis sa kanilang sitwasyon ay makakaasa kayo ng aking suporta sa inyong problema at kakalampagin din natin ang DOE kung bakit paatras ang serbisyong ibinibigay sa mga taga-Visayas.


Bigyan din natin ng pagkakataon ang Presidential Communications Office (PCO), dahil kasama umano sa kautusan ni P-BBM para sa NGCP ay ang pagiging transparent, kabilang na ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal ng pamahalaan.


Dapat ay nakalatag umano ang distribution utilities, power generators ng DOE at Energy Regulatory Commission (ERC) hinggil sa matinding kakapusang nararanasan sa supply ng kuryente sa ilang bahagi ng Visayas.


Inatasan din ang NGCP na isaayos ang protection relay ng transmission, generation at distribusyon sa susunod na dalawang linggo upang maiwasan ang malawakang blackout.

Agad ding pinatatapos ni P-BBM sa NGCP ang third stage ng Cebu-Negros-Panay backbone project, na nagdurugtong sa Negros at Cebu sa pamamagitan nang paglalatag ng overhead line mula Bacolod City patungong Carlos City, hanggang Toledo City sa pamamagitan ng submarine cable.


Ibig sabihin, malaking pagbabago ang aasahan natin sa mga darating na linggo sa bahaging ito ng Visayas na labis na nasalanta ng brownout at sana lang ay magtuluy-tuloy na ang pagkilos na ito ng NGCP para sa nagdurusa nating kababayan.


Sa napakahabang panahon ay kahalintulad na sitwasyon ang dinaranas ng mga kababayan natin sa Occidental Mindoro na nagsasakripisyo sa 20 oras na brownout araw-araw at depende kapag walang sumpong ang pamunuan ng Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO).


Ganitong-ganito rin ang dinaranas ng mga kababayan natin sa Albay na pinarurusahan din dahil sa madalas na brownout na dulot naman ng Albay Electric Cooperative (ALECO) na mahigit sampung taon nang walang pagbabago ang serbisyo.


Sana ay mapansin din ni P-BBM ang Occidental Mindoro, Albay at marami pang lalawigan na hanggang ngayon ay labis ang pagdurusa dahil sa kakulangan ng supply ng kuryente, lalo na ngayong tag-init na inaasahang titindi pa dahil sa El Niño.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page