Krimen ang pagbubunyag ng mga lihim na may pang-aabuso sa katungkulan
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 31, 2023
Dear Chief Acosta,
Ako lang ang nakakaalam ng sikretong pinagmumulan ng mga materyales ng amo ko dahil ako lang ang manager sa kumpanya. Sa kasamaang-palad, naikuwento ko ito sa mga katrabaho ko noong nag-iinuman kami. Nabalitaan ng amo ko ang tungkol sa pagsisiwalat ko, kaya gumagawa siya ng mga hakbang para makulong ako. Maituturing ba na krimen ang nangyari? –Richmonde
Dear Richmonde,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Article 291, Chapter 3, Title 9 ng Revised Penal Code of the Philippines, na inamyendahan ng Republic Act No. 10951, kung saan nakasaad ang krimen na pagbubunyag ng mga lihim na may pang-aabuso sa katungkulan:
“ART. 291. Revealing secrets with abuse of office – The penalty of arresto mayor and a fine not exceeding One hundred thousand pesos (P100,000) shall be imposed upon any manager, employee or servant who, in such capacity, shall learn the secret of his principal or master and shall reveal such secrets.”
Sinumang manager, empleyado o tagapaglingkod, sa ganu’ng kapasidad ay makakaalam sa lihim ng kanyang prinsipal o amo, at magbubunyag ng mga naturang lihim ay lalabag sa nabanggit na batas.
Samakatuwid, base sa iyong salaysay at sa nabanggit na batas, masasabing nangyari ang nabanggit na krimen dahil nalaman mo ang sikretong pinagmumulan ng mga materyales ng amo mo bilang manager at ibinunyag mo ang naturang sikreto sa mga katrabaho mo noong nag-iinuman kayo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments