Korina at Julius, binayaran daw ng P10M sa interbyu sa mag-asawang Discaya… HAMON NI IGAN KAY MAYOR VICO: MAGLABAS KA NG EBIDENSIYA!
- BULGAR
- 14 hours ago
- 2 min read
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | August 24, 2025

Photo: Arnold Clavio at Mayor Vico Sotto - TWAR - FB
Naglabas ng sariling opinyon ang Kapuso veteran broadcaster na si Arnold “Igan” Clavio hinggil sa kontrobersiyal na post ni Pasig City Mayor Vico Sotto.
Sa kanyang Instagram (IG) post ay inalmahan ni Igan ang mga pahayag ng anak nina Vic Sotto at Coney Reyes sa Facebook (FB) hinggil sa mga sikat na journalists na diumano’y tumanggap ng P10 million kapalit ng interview sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.
Bagama’t walang pangalang binanggit si Mayor Vico ay kalakip ng kanyang post ang larawan ng magkahiwalay na interview nina Julius at Korina sa mag-asawa.
Sa kanyang post, hinamon ni Arnold si Mayor Vico na maglabas ng ebidensiya na tumanggap nga sina Julius at Korina ng malaking pera mula sa mag-asawang Discaya.
“Mayor, kung mayroon kang matibay na ebidensiya laban kina Babao at Sanchez na nagpabayad sa mag-asawang Discaya para sila ay makapanayam, ilantad mo,” mensahe ni Igan sa alkalde ng Pasig.
Aniya pa, hindi niya inaasahang manggagaling kay Mayor Vico ang tinawag niyang
‘iresponsableng’ pahayag.
“Kung hindi ka sigurado sa P10 milyong piso, magkano ba? O mayroon ba? Dahil sabi mo, ‘Alam ninyo na.’ Hindi ko ito inaasahan na manggagaling sa ‘yo ang napakairesponsableng pahayag na ito. Gusto kong malaman, tulungan mo kami,” ani Igan.
Litanya pa niya sa Pasig mayor, “‘Wag kang magtago sa mga pasaring, parinig o haka-haka dahil sa industriya namin, mahalaga ang terminong ‘verification’ ng facts sa pagbabalita. Maraming pinagdadaanan ang isang balita bago ito umere.”
Patuloy niya, “Sa amin sa GMA Network Inc. at Super Radyo DZBB, sinasala ang bawat panayam at kailangan na may approval ng mga news manager.”
Para kay Arnold, isang malaking hamon sa kredibilidad ng lahat ng mamamahayag ang akusasyon ni Mayor Vico kaya naman nais niyang protektahan ang kanilang industriya.
“Ang akusasyong ito laban kina Babao at Sanchez ay tila ‘di makatarungan hindi lamang sa dalawa kundi sa buong industriya.
“Hindi ito para ipagtanggol ko ang dalawang mamamahayag sa paninira ni Sotto kundi para maproteksiyunan ang buong industriya ng pamamahayag na kinukuhanan ng impormasyon ng publiko.
“Nahaharap kami ngayon sa malaking hamon pagdating sa kredibilidad. Nand’yan ang social media na pilit sinisiraan ang mainstream media at mas pinaniniwalaan pa ng marami,” sey pa ni Igan.
Payo pa niya kay Mayor Vico, “‘Wag ka nang makisawsaw sa mapanganib na panahon dahil sa sarili mong interes na pulitikal. Nasa demokrasya tayo at may karapatan ang sinuman na marinig ang kanilang panig.
“Ang kuwestiyunin mo, ang makapanayam ang kalaban mo sa pulitika ay pagsikil sa karapatan ng publiko sa impormasyon.”
Patuloy pa niya, “Parehas tayo ng layunin, magkaroon ng malinis na gobyerno. Pero ‘wag mo namang isingit sa kamalayan ng mga Pilipino na ikaw lang ang malinis at matuwid.”
Hirit pa ni Arnold, “Ano’ng alam mo sa propesyon namin, Mayor? Ano ang ‘grey areas’ na binabanggit mo? Gusto kong malaman.”
Pagtatapos na mensahe ni Igan kay Sotto, “May trabaho ka, may trabaho rin kami. Respeto, walang personalan…”
Comments