Kontrobersyal na PUV Modernization, pang forever na ba?
by Info @Editorial | August 11, 2024

Umiinit na naman ang usapin sa Public Utility Vehicle Modernization Program na tinatawag ngayong Public Transport Modernization Program.
Matapos humirit ang mga senador na suspendihin ang programa, nanindigan naman si Pangulong Bongbong Marcos na tuloy ito.
Agad namang tumugon ang mga tsuper na kontra-PUVM at nagbanta ng tigil-pasada.
Plano na rin daw ng grupo ng transportasyon na Piston na sumama sa tatlong araw na tigil-pasada na ikakasa ng Manibela sa susunod na linggo.
Maglulunsad umano sila ng malawakang transport strike hindi lamang sa National Capital Region kundi sa buong bansa.
Mag-uusap umano ang dalawang grupo para plantsahin ang kanilang susunod na plano matapos na manindigan ang Pangulo.
Anila, dapat pag-aralan ng Malacañang ang resolusyon ng Senado. Kasabay nito ang paggiit na ginagawa naman nila kasama ang ibang grupo na tutol sa consolidation ang kanilang parte para gawing moderno ang ipinapasadang units.
Kumbaga sa biyahe, mukhang malayu-layo pa ang lalakbayin ng usapin sa PUVMP.
Sa kontrobersiyang ito, hindi lang gobyerno, operator at driver ang apektado kundi maging ang mga komyuter, lalo na ‘pag naglulunsad ng tigil-pasada ang bawat partido.
Kaya may mga nagmumungkahi na magharap-harap lahat ng direktang apektado at ilantad sa publiko ang lahat ng isyu sa programa upang madaling maunawaan kung bakit tila urong-sulong ang implementasyon nito at bakit may mga tutol.



Comments