top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Kontrahin ang nakakabulag na kasinungalingan sa social media

BULGAR
Apr 9, 2022
3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 9, 2022


Bihira ako makarating sa Simbahan ni Maria, Ina ng Laging Saklolo sa Baclaran. Paminsan-minsang nagpupunta ang nanay ko sa Baclaran noong maliliit pa kami, ngunit bihira kami nitong isama. Ngunit, malinaw sa akin ang kahulugan at kahalagahan ng debosyon sa Mahal na Ina ng Laging Saklolo. Naririyan lagi ang ating mahal na Inang Maria sa ating tabi. Naghihintay siyang magdasal tayo at humingi ng anumang tulong sa Diyos. Napakahusay na tagapamagitan ang ating Inang Maria. Ulit-ulitin mo lang ang iyong hiling at sa paraan at panahong hindi mo inaasahan ito ay masasagot.


Isang nakapakatinding panalangin na dinadasal ng marami ay ang papalapit na halalan. Hindi pangkaraniwan ang halalang magaganap sa ika-9 ng Mayo, 2022. Pagkaraan ng anim na taong tiniis ng marami sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, hirap, pagod, malungkot at lugmok ang marami na uhaw sa tunay at malinis na pamamahala.


Dumaan ang anim na taon at pawang mabangis na tsunami ang rumagasa sa buhay ng lahat. Isang tsunami ng kabastusan at kawalan ng paggalang at pagpapahalaga sa salita; ng pag-abuso at maling paggamit sa batas na sa halip gamitin para ipagtanggol ang mga mamamayan, ginagamit ito bilang panggipit sa mga kritiko at hindi kakampi ng administrasyon. Tingnan natin ang ilang halimbawa:


1) Tingnan na lang natin ang mahigit limang taong pagkakakulong kay Sen. Leila De Lima.

2) Ang paghain ng kaso sa mga pari at obispong kritiko ng administrasyon.

3) Ang pagtugis sa mga kinulayang “pula” (na-red tag) tulad ng mga mag-aaral, guro, Church workers, doktor (Dra. De Castro), at marami pang ibang nagsasalita’t tumutuligsa sa mga kalabisan at katiwalian ang kasalukuyang pamahalaan.

4) Ang pag-abuso ng batas hinggil sa pandemic response na sa halip magamit nang maayos ang pondo para iligtas ang nakararami sa pandemya, ito ay nawawala at napupunta pa sa mga maling kamay (tulad ng kasong Pharmaly), atbp.

5) Ang pagtalikod sa pagkapanalo ng Pilipinas sa petisyon laban sa panghihimasok ng Tsina sa West Philippine Sea. Sa halip na ipagtanggol ang ating soberanya sa pamamagitan ng United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS), pinalabas pang kahiya-hiya tayong tumutol sa kagustuhan ng Tsina dahil ito ay isang kaibigan.

6) Ang maling paggamit ng social media na sa halip na ipalaganap ang katotohanan ay ang kabaliktaran nito, ang “Fake News” o kasinungalingan ang pinalalaganap sa pamamagitan ng mga trolls at BOTs na siyang walang tigil na nagkakalat ng kasinungalingang lumalason sa isipan ng marami.


Naghirap nang husto ang ating bansa sa mga nagdaang limang taon. Hindi lang pisikal na hirap kundi kahirapan ng kaisipan at kaluluwa ang dumagok sa atin. Kaya’t hindi lang tayo hirap na hirap punuin ang ating mga tiyan ng kinakailangang pagkain. Hirap na hirap din tayong punuin ang ating mga isipan at puso ng pagkaing magpapalaya sa atin, ang katotohanan na magpapalaya sa atin (Juan 8:32).


Ito po ang dahilan ng pagtungo ng malaking delegasyon ng mga Katolikong Obispo, pari, relihiyoso at layko sa Baclaran noong nakaraang Miyerkules. Punong-puno ang Baclaran ng mga deboto at ng mga lider layko at mga Obispo, pari at relihiyoso na humingi ng tulong sa Mahal na Ina ng Laging Saklolo para tulungan ang lahat na makilala at piliin ang katotohanang magpapalaya sa lahat. Kaya’t idinaos noong nakaraang Miyerkules ang Mass of Solidarity for the Moral Choice. At nagkataong ang ebanghelyo noong nakaraang Miyerkules ay tungkol sa katotohanan (Juan 8:31-42). Sa homeliya ginamit ni Bishop Pablo David ang istorya ng kalamansi sa sugat sa alamat ng Ibong Adarna. Nang hinanap ng magkakapatid na Don Pedro, Don Diego at Don Juan ang Ibong Adarna, nakasalubong nila ang isang ermitanyong nagpayo sa kanilang magdala ng kutsilyo at kalamansi. Kapag narinig mo na ang awit ng ibon, ikaw ay aantukin at kapag naiputan ka ng ibon sa ulo, ikaw ay magiging bato. Kaya’t para hindi ka makatulog ay kailangan mong sugatan ang iyong sarili at lagyan ng kalamansi ang sugat para ikaw ay magising.


Ganito nga ang ginawa ni Juan nang hindi na nakabalik ang kanyang dalawang kapatid. Hindi siya nakatulog at tuluyang nabighani ng ibon upang maiputan nito sa ulo at gawin itong bato.


Ayon sa butihing Obispo, tila nabighani ang marami at malapit nang maging bato. Pawang kalamansi sa sugat ang katotohanang kailangan nating harapin, ipahayag at isulong. Kailangang kontrahin ang nakakabulag at nakakabatong kasinungalingang ipinalalaganap sa social media. At kailangan nating pakinggang maigi ang ibinubulong ng Diyos na dapat nating piliin at iboto ang kandidatong tapat at nagmamahal sa mga nasa laylayan…

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page