Konsyumer, protektahan laban sa hoarder, smuggler sa tag-ulan
- BULGAR

- May 22, 2024
- 1 min read
@Editorial | May 22, 2024

Nagpaparamdam na ang tag-ulan, kaya ngayon pa lang, paghandaan na ang mga problemang posibleng dumating tulad ng kawalan ng stock at pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Kasabay nito, nagbabala naman ang Department of National Defense (DND) na hahabulin ang mga hoarder at price manipulator kasabay ng transition ng bansa sa panahon ng tag-ulan.
Inisyu ng ahensya ang nasabing babala kasunod ng ikalimang pagpupulong ng task force na pinakilos para matugunan din ang mga epekto ng La Niña.
Nakahanda na umano ang DND na magbigay ng suporta sa mga ahensya na sangkot sa price monitoring ng basic necessities at prime commodities sa oras na magsimula na ang La Niña.
Kailangang paigtingin ang price at supply monitoring efforts sa merkado para maprotektahan ang mga konsyumer mula sa profiteering sa gitna ng naturang weather phenomenon.
Sadyang hindi na nawawala ang mga abusado at ganid. Sa halip na tulungan ang kapwa na harapin ang bagyo at krisis, lalo pang inilulubog. Para bang masaya pa silang dumarating ang mga pagkakataon na may nahihirapan habang sila naman ay kumikita.
Kaya panawagan sa mga kinauukulan, plis lang, bantayang maigi ang galawan sa merkado. Tiyak nagsisimula na ang mga smuggler at hoarder. Huwag natin hayaang makaisa na naman sila. Ipakita natin na may batas ang gobyerno at kaya nitong magparusa sa mga nagpapahirap sa taumbayan.



Comments