top of page
Search
  • BULGAR

Konsultasyon sa mga tourism stakeholders bago rebranding

@Editorial | July 5, 2023


Patuloy ang kontrobersiya sa bagong tourism campaign na "Love the Philippines".


Bagama’t nagsori na ang ad agency sa palpak na audio-visual presentation at binawi na rin ng Department of Tourism ang kontrata sa kanila, hindi puwedeng palampasin na lang ang lahat.


Kailangang maimbestigahan ang kahiya-hiyang insidente at malaman lalo na ng publiko ang pinaka-ugat sa ginawang tourism rebranding.


Matatandaang isa si Rep. Joey Salceda sa nakapuna na may mali sa rebranding at tinawag pa niya itong “trabahong tamad”. Bagay na hindi dapat nangyayari sa gobyerno lalo na kung milyones ang ginagastos sa programa o proyekto.


Kaya inirekomenda ng mambabatas na magsagawa ng konsultasyon sa mga tourism stakeholders para sa totoong tourism rebranding ng Pilipinas.


Maaaring maglunsad ang pamahalaan ng consultative conference para makakolekta ng input at mga pananaw mula sa stakeholders. Kumbaga, huwag solohin ang trabaho lalo na kung sasablay.


Matuto sana ang mga ahensya ng gobyerno na pakinggan ang opinyon ng mga may kaugnayan sa ginagawang pagbabago.


Sa pamamagitan nito ay mas madaling makakagawa ng polisiya at magiging maganda ang resulta at walang malalagay sa alanganin.


Samantala, naniniwala rin tayo na higit sa pagkakaroon ng bagong slogan o mukha ng tourism campaign, dapat ay pagtuunan din ng pansin ang makatotohanang pagbabago sa turismo.


Kailangang ayusin ang mga kakulangan sa serbisyo, para mas mahalin ang Pilipinas.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page