top of page

Komisyon vs anomalya sa flood control project, makatulong sana

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 2
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 2, 2025



Boses by Ryan Sison


Hindi na bago sa taumbayan ang isyu ng anomalya sa mga proyekto ng flood control. Dekada na itong ‘pinaglalaruan’ ng mga tiwaling opisyal, pero hanggang ngayon ay hanggang tuhod pa rin ang baha. 


Kaya naman nag-anunsyo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na bubuo siya ng independent commission para busisiin ang lahat ng katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH). 


Ayon sa Pangulo, ilalabas na ang Executive Order para opisyal na likhain ang naturang komisyon. Ang kanilang trabaho ay siyasatin ang lahat ng impormasyon ukol sa mga maanomalyang flood control projects, magtipon ng mga ebidensya, at irekomenda kung dapat bang kasuhan ang mga sangkot sa Ombudsman o Department of Justice. 

Kasama sa magiging miyembro ang mga forensic investigator, abogado, at mga dating hukom — tila isang espesyal na task force na uunahin ang paglilinis sa DPWH. 


Mahalaga ring usapin dito ay kung sino ang iluluklok na chairperson at miyembro, dahil doon nakasalalay kung ito ba’y magiging matapang para labanan ang katiwalian. Dahil nakakabahala naman kung magiging dagdag-burukrasya lang ito na kakain ng budget pero walang maipakitang resulta. 


Kahit sa 2026 budget, tila marami pa ring naisisingit na ‘ghost’ projects. Ibig sabihin, hindi lang baha ang problema, kundi mismong pagbaha ng korupsiyoon sa burukrasya. 

Ang paglilinis ay hindi dapat puro salita, kailangan itong sabayan ng matinding political will at tapang para panagutin ang mga tiwaling opisyal. 


Hindi lang pagbuo ng bagong komisyon para magbunyag ng katiwalian ang kailangan. Dahil nasa mismong sistema ang butas — paulit-ulit ang anomalya at hindi napaparusahan ang mga pasimuno. Hangga’t walang mabibigat na conviction sa mga kaso, uulit at uulit ang ganitong modus.


Ang layon ng flood control project ay tumulong sa taumbayan sa oras ng sakuna, at hindi dapat nagiging kaban ng yaman ng mga korup. 


At kung seryoso ang mabubuong komisyon, maaaring maging simula ito ng tunay na paglilinis sa kagawaran at maparusahan ang mga tiwalang opisyal. 


Subalit, kung tatapusin lang sa rekomendasyon at press release, isa na namang palabas ang masasaksihan ng mamamayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page