top of page
Search
  • BULGAR

Kolorum na PUV at nagda-drugs na driver, ‘di dapat makalusot

ni Ryan Sison @Boses | October 14, 2023


Para sa mga komyuter na araw-araw na bumibiyahe at nasa lansangan hindi na minsan alintana kung ang sinasakyan nila at nagmamaneho nito ay safe ba o hindi, ang mahalaga ay makarating na lamang sila sa kanilang pupuntahan.


Kaya naman ang Land Transportation Office (LTO) ay nagsagawa ng surprise drug testing at anti-colorum operation sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) kamakalawa, kung saan limang PUV drivers ang nagpositibo sa droga.


Sa inilabas na pahayag ng LTO, mahigit 101 PUV drivers ang sumailalim sa surprise drug tests bilang bahagi ng roadworthiness inspections ng kagawaran.


Ang sorpresang inspeksyon ay magpapatuloy bilang bahagi ng paghahanda ng LTO para sa nalalapit na Undas, at Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, na inaasahang magiging siksikan ang mga kababayang magta-travel pabalik sa kani-kanilang mga probinsya.


Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, simula pa lamang ito ng agresibong operasyon na kanilang gagawin, hindi lamang dito sa Metro Manila kundi sa buong bansa.


Gayundin, nakapag-impound ang kagawaran ng 9 na bus, 3 UV Express vehicles, 2 jeepney at 1 taxi, sa pagsisikap nila na palakasin ang kanilang intelligence gathering para sa pagpapatupad ng mga batas laban sa mga kolorum na PUV.


Nasa 14 naman na sasakyan ang naiulat na hindi nakapagpakita ng sapat na mga dokumento upang patunayan ang kanilang lisensya sa pag-operate nito.


Sinabi pa ni Mendoza na mahigpit ang naging bilin ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista hinggil sa mga kolorum na sasakyan dahil ang naapektuhan ng mga ilegal na operasyon ay mga lehitimong driver at operator na sumusunod sa alituntunin ng pamahalaan.


Mainam ang isinasagawa ng LTO na surprise drug testing sa ating mga driver na silang laging laman ng kalsada at nahahatid sa mga komyuter na papasok naman sa trabaho at eskwelahan.


Kapag nga naman nagpositibo sa droga ang isang driver, pihadong hindi na ito makakapagmaneho at makakabiyahe.


Hindi kasi tama para sa ating mga driver na nakainom ng alak, lalo na ang naka-take ng drugs habang nagmamaneho dahil talagang inilalagay n’yo lamang sa peligro ang inyong mga pasahero at baka magresulta pa ito sa tiyak na kapahamakan.


Para naman sa mga operator ng kolorum na PUV, itigil n’yo na sana ang ilegal na gawain dahil kayo rin ang labis na maaapektuhan kapag na-impound ang inyong mga sasakyan at baka tuluyan pang hindi na makapagbiyahe.


Sa kinauukulan, malaking pakinabang ito sa taumbayan kung saan mapapawi ang pangamba ng mga komyuter sa isipin ng anumang aksidente dahil may maayos silang paglalakbay, habang smooth pa ang pagmamaneho ng driver sa kanilang sinasakyan.


Hiling din sana natin na tuluy-tuloy ang ganitong programa para sa ikabubuti ng mga mamamayan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page