Knows n’yo ba ‘yun, mga besh?! Buto ng kamatis, epektib na panlaban sa varicose veins
- BULGAR
- May 23, 2023
- 2 min read
ni Mabel G. Vieron @Life & Style | May 23, 2023

Ang varicose veins ay isang kondisyon kung saan ang mga valves ng ating ugat ay humihina. Kaya imbes na makabalik nang maayos ang ating dugo patungo sa puso, naiiwanan ito sa mga ugat na nagdudulot ng paglaki nito. Ang varicose veins ay ang naglalakihang ugat sa likod ng binti, kamay at paa.
Narito ang mga tips kung paano maiiwasan ang varicose veins:
1. IWASAN ANG MATAGAL NA PAGTAYO O PAG-UPO. Kung madalas kang nakatayo, mahihirapan ang iyong dugo na makabalik paitaas. Dahil dito, mas lumalakas ang presyon s a mga ugat sa binti na maaaring pagsimulan ng varicose veins. Kung hindi maiiwasan ang matagal na pagtayo o pag-upo, gumalaw-galaw kada 30 minuto upang maibsan at gumanda ang sirkulasyon ng dugo.
2. BANTAYAN ANG IYONG TIMBANG. Ang mga obese ay madalas magkaroon ng namamagang ugat dahil na rin sa sobrang bigat na pangangatawan. Mas nadaragdagan din ang presyon sa mga ugat na maaaring makasira nito. Kaya ugaliin nating kumain nang wasto at masustansyang pagkain. Iwasan din ang masyadong matatamis, matataba at processed foods na nagiging sanhi ng altapresyon.
3. MAG-EHERSISYO. Ang regular na ehersisyo gaya ng jogging, zumba, yoga, at maging ang paglalakad at stretching ay nakakatulong sa magandang sirkulasyon ng dugo sa ating katawan. Ito rin ay nagpapalakas ng mga ugat upang makaiwas sa varicose veins
Kung ikaw ay nagsisimulang magkaroon ng varicose veins at gusto mong maibsan ang mga sintomas nito, halina't alamin natin ito:
1. PAGSUSUOT NG COMPRESSION STOCKING. Ito ay masikip na medyas na madalas aabot hanggang hita kapag isinuot. Ang stockings na ito ay umiipit sa muscle at ugat ng binti upang ‘di ito mamaga. Kinakailangan itong suotin mula paggising at tangalin lamang bago matulog.
2. PAGTATAAS NG BINTI. Ang pagtataas ng binti ay makakatulong upang maibsan ang mga sintomas ng varicose veins. Mas mainam na itaas ang binti nang mas mataas pa sa ating puso. Maaari itong gawin nang 20 hanggang 30 minuto habang nakahiga at 3 hanggang 4 beses sa isang araw.
3. PAGPAPAMASAHE. Ito ay nakakatulong na pagandahin ang sirkulasyon ng dugo sa ating buong katawan. Tandaan lamang na huwag masyadong madiin ang masahe upang hindi mabugbog ang mga ugat.
4. PAGPAPAHID NG BUTO NG KAMATIS. Ang buo ng kamatis ay mayroong salicylic acid gaya ng gamot na aspirin, ito’y makakatulong upang maiwasan na mamuo ang dugo. Ipahid ang buto ng kamatis sa apektadong ugat nang 3 hanggang 4 beses sa isang araw. Gawin ito sa loob ng dalawang buwan.
Oh, mga besh, ‘wag na masyadong malungkot kung mayroon kang ganito sa iyong katawan, sundin lamang ang tips na nasa itaas at makakasigurado kang effective ito.
Gets mo?








Comments