Kita ng mga tsuper, balik sa dati kahit todo-kayod
ni Ryan Sison - @Boses | September 8, 2022
Muling humirit ng dagdag-pasahe ang mga jeepney drivers at operators sa bansa.
Gayunman, naninindigan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na kailangan ng masusing pag-aaral hinggil sa hiling na dagdag-pasahe, habang walang kasiguraduhan ang tuloy-tuloy na rollback sa presyo ng langis.
Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Mercy Jane Paras-Leynes, tinitingnan din ng ahensya kung may iba pang mga dahilan upang payagan ang dagdag-pasahe, partikular ang inflation o pagtaas ng presyo ng ilang pangunahing produkto.
Sa kasalukuyan, nasa P11 ang minimum na pamasahe sa mga tradisyunal na jeepney
Samantala, tiniyak ng opisyal na nakuha na ng LTFRB ang position paper ng National Economic and Development Authority (NEDA) kaugnay sa hirit na fare hike, pero hinihintay pa rin aniya nila ang pag-aaral tungkol dito.
Sa muling pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, marahil ay nabigla na naman ang mga tsuper at operator. Balik sa dati na mas maliit ang kita kahit mas marami nang pasahero.
At malamang, ‘yan ang dahilan ng muli nilang paghirit ng taas-pasahe. ‘Yun nga lang, maipapasa na naman sa mga komyuter ang problema. Bagay na lalong nagpapahirap sa maraming biyahero.
Batid nating kailangan talagang masuri kung dapat magtaas muli ng pamasahe, pero ang tanong, paano naman ang mga tsuper at operators, sakripisyo muna sa kita?
Sa ngayon, dapat ding matingnan ng mga kinauukulan ang isyung ito dahil kung halos walang kikitain sa maghapong pagbiyahe, malamang na magtitigil-pasada na naman ang marami sa mga tsuper at panibago itong hirap sa mga mananakay.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments