top of page
WINNER - SEN. ROBIN, IPINAGDIINANG DDS SI JOSHUA-FB Robin Padilla.jpg

Kipruto, hari sa Chicago Marathon; Paris Olympics Run, may ruta na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 11, 2022
  • 1 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 11, 2022



Gusto ba ninyong tumakbo sa 2024 Paris Olympics Marathon? Kasabay ng pagpakilala kamakailan ng opisyal na ruta ng karera, binuksan din ito sa hindi lalampas na 20,024 mananakbo sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng palaro.


Magsisimula ang 42.195 kilometrong karera sa City Hall ng Paris at tutuloy hanggang palasyo ng Versailles kung saan iikot at babalik sa kapitolyo. Daraan ang mga mananakbo sa ilang tanyag na lugar tulad ng Eiffel Tower, Louvre Museum at mga lugar kung saan gaganapin ang iba pang sports sa Olympics.


Ang daan ay hango sa kasaysayan bilang pagpugay sa mga mamamayan na nag-martsa mula Paris patungong Versailles upang manawagan kay Haring Louis XVI na bumaba sa trono sa kainitan ng French Revolution noong 1789. Dahil karamihan ng mga nagprotesta noon ay kababaihan, mauuna muna ang karera ng mga kalalakihan at mga kababaihan sa susunod na araw bago ang pagsasara ng Olimpiyada sa Agosto 11.


Samantala, nagwagi si Benson Kipruto ng Kenya sa 2022 Bank of America Chicago Marathon noong Lunes ng madaling araw, oras sa Pilipinas. Humataw si Kipruto sa huling 2 kilometro upang umoras ng 2:04:24 na kanyang pinakamabilis na Marathon at sundan ang kanyang tagumpay sa 2021 Boston Marathon.


Sa panig ng kababaihan, nanatili kay Ruth Chepngetich ng Kenya ng korona sa oras na 2:14:08 o 14 segundong mas mabagal sa world record ng kanyang kababayang si Brigid Kosgei na 2:14:04. Pumangalawa si Emily Sisson na nagtala rin ng bagong marka para sa pinakamabilis na Marathon ng isang Amerikana na 2:18:29 at pangatlo ang isa pang Kenyan na si Vivian Jerono Kiplagat sa 2:20:52.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page