Kipchoge, nagtala ng bagong rekord sa Berlin Marathon
ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 27, 2022

Bagong word record ang itinala ni Eliud Kipchoge ng Kenya sa kanyang paghari sa 2022 Berlin Marathon nitong Linggo. Ang kanyang oras na 2:01:09 ay mas mabilis ng 30 segundo sa dating record na siya rin ang gumawa sa parehong karera noong 2018.
Tanging si Andamlak Belihu ng Ethiopia ang kasama ni Kipchoge at sabay nilang dinaanan ang unang 21 km sa 59:51. Nasunog bigla si Belihu at walang nakapigil sa koronasyon ng 37-anyos na Kenyan na mag-isang tumawid sa finish line sa Brandenburg Gate sa kabisera ng Alemanya.
Pumangalawa ang isa pang Kenyan na si Mark Korir sa 2:05:58 at pangatlo si Tadu Abate ng Ethiopia sa 2:06:28. Walang duda na si Kipchoge na ang pinakamahusay sa kasaysayan ng mga Marathon.
Siya rin ang unang tao na nakatapos ng 42.195 kilometro sa loob ng 2 oras noong 2019 sa Vienna, Austria. Hindi kinikilala ang record dahil tumakbo siyang mag-isa sa espesyal na ruta na may kasamang pulutong na mga pacer at hindi regular na karera.
Matagumpay na ipinagtanggol ni Kipchoge ang gintong medalya sa Tokyo 2020 Olympics matapos ang Rio 2016. Siya ang pangatlong may magkasunod na ginto kasama ang mga alamat na sina Abebe Bikila ng Ethiopia (1960-1964) at Waldemar Cierpinski ng Silangang Alemanya (1980-1984) at sisikapin ni Kipchoge na maging unang makakatatlo sa Paris 2024.
Nag-reyna sa kababaihan si Tigist Assefa ng Ethiopia sa 2:15:38 na bagong record para sa Berlin Marathon at pangkalahatang ikatlong pinakamabilis sa kasaysayan. Ito lang ang pangalawang Marathon ni Assefa na dating naglaro sa 800M noong Rio 2016.
Pangalawa si Rosemary Wanjiru ng Kenya sa 2:18:00. Pangatlo ang kababayan at katokayo ni Assefa na si Tigist Abayechew sa 2:18:03.





Comments