Kings, tumiyak ng Playoffs, Durant ginanahan sa Suns
ni Anthony E. Servinio @Sports | March 31, 2023

Matapos maantala ng ilang beses, nanigurado na ang Sacramento Kings at pasok na sila sa 2023 NBA Playoffs sa bisa ng 120-80 tambak sa Portland Trail Blazers kahapon sa Moda Center. Balik-aksiyon din si Kevin Durant at tinalo ng kanyang Phoenix Suns ang bisitang Minnesota Timberwolves, 107-100, sa una niyang laro sa bagong tahanan.
Imbes na umasa sa resulta ng ibang laro, hinawakan ng Kings ang kanilang kapalaran at kontrolado ang laro simula second quarter kung saan binura nila ang 20-19 lamang ng Blazers patungo sa 50-46 lamang sa halftime. Mula roon ay hindi nagpreno ang Sacramento at winakasan ang 17 taon na paghihintay na makabalik sa playoffs.
Nanguna sa Kings sina reserba Malik Monk na may 19 puntos at De’Aaron Fox na may 18 puntos para sa kanilang ika-46 tagumpay sa 76 laro. Huling pumasok ang Sacramento sa playoffs noong 2006 tampok sina Mike Bibby, Metta World Peace at Bonzi Wells.
Huling naglaro noong Marso 5, nagtapos si Durant na may 16 puntos at ang kanyang huling shoot na three-points ay nagbigay ng 87-84 lamang sa Suns at 9:19 sa orasan at mula roon ay inalagaan ng kanyang kakampi ang lamang upang umangat sa 41-35.
Namuno sa Phoenix si Devin Booker na may 29 puntos habang 19 si Chris Paul.
Patuloy ang magandang porma ng numero unong Milwaukee Bucks papalapit sa playoffs at wagi sila sa Indiana Pacers, 149-136. Halimaw ang mga numero nina Jrue Holiday na nagbagsak ng 51 puntos at Giannis Antetokounmpo na may 38 puntos, 17 rebound at 12 assist at parehong 32 minuto lang ang nilaro ng malupit na tambalan.





Comments