Kings, mapapahamon sa dumayong Generals sa NBL
- BULGAR
- Oct 14, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 14, 2022

Sasalubungin ng Laguna Kings ang bisitang Taguig Generals sa tampok na laro ngayong araw sa 2022 National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup mula sa Santa Rosa Multi-Purpose Complex sa Santa Rosa City, Laguna simula 6 p.m. Bago niyan ay may alay na dalawang mainit na laro ang liga sa pagitan ng DF Bulacan Republicans at Las Pinas Oil Machine sa 2 p.m. at susundan ng Quezon City All-Stars kontra Muntinlupa Constructicons sa 4 p.m.
Parehong galing sa mapait na talo ang Kings at Generals at gagawin nila ang lahat upang makaiwas sa kartadang 0-2 at malugmok sa ilalim ng torneo. Napiga ng husto ang Laguna ng Muntinlupa, 104-96, habang yumuko ang Taguig sa Bulacan sa overtime, 107-104.
Sasandal ang Kings sa mahusay na laro ng mga beteranong nina Raymart Amil, Alex Junsay at Angelo Rosale upang makamit ang unang panalo sa gabay ni Coach Jerry Codinera. Sa kabilang panig, umaasa si Coach Bing Victoria na makakahanap ng tulong sina Dan Anthony Natividad, Francisco Tancioco at Jonathan Lontoc.
Susubukang sumosyo sa liderato ng NBL ang Muntinlupa ni Coach Gherome Ejercito at sundan ang kanilang tagumpay sa Kings upang tumabla sa PAOwer sa 2-0.
Samantala, pansamantalang ipagpapaliban ang ikatlong torneo ng Women’s National Basketball League (WNBL) sa unang mga buwan ng 2023 upang magkaroon ng mas maraming panahon upang maghanda at maghatid ng pinakamalaking kompetisyon sa maikli nitong kasaysayan. Kasama din sa paghubog ng desisyon ang kalagayan ng mga manlalaro na karamihan ay may mga trabaho maliban sa pagiging propesyunal na atleta.
Mga laro ngayong Biyernes – Sta. Rosa Multi-Purpose Complex 2 p.m. Bulacan vs. Las Pinas 4 p.m. Quezon City vs. Muntinlupa; 6 p.m. Taguig vs. Laguna





Comments