King Tiger, sumikwat ng panalo sa 4-YO
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | August 16, 2022
Nagpakitang-gilas si King Tiger matapos sikwatin ang panalo sa 2022 PHILRACOM 4-Year-Old & Above Sprint Race na inilarga sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite Linggo ng hapon.
Sinakyan ni class A rider John Alvin Guce, lumabas na pang-lima si King Tiger at panoorin lang ang mga nasa kanyang unahan, si Mommy Caring ang humawak ng unahan paglabas ng aparato.
Tangan ni Mommy Caring ang apat na kabayong abante sa mga nagtatagisan ng lakas sa segundo puwesto na sina Asiong at Stardust papasok ng huling kurbada.
Pero sa huling 50 metro ng bakbakan sa rektahan ay humarurot papuntang unahan si King Tiger upang ungusan si Mommy Caring at manalo ng may isang kabayo ang distansiya.
Inirehistro ni King Tiger ang 58 segundo sa 1,000 meter race sapat upang ibulsa ang P900,000 premyo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Kinubra ni Mommy Caring ang P300,000, napunta ang P150,000 at P75,000 sa third at fourth placers na sina Flattering You at Stardust ayon sa pagkakasunod.
Samantala, kuminang din si Amor Mi Amor matapos manalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga sa pang-limang karera.
Nirendahan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year Awardee Jessie B. Guce, inilista ni Amor Mi Amor ng tiyempong 1:13.2 sa 1,200 meter race upang ibulsa ang added prize na P20,000 para sa winning connection.
Pumangalawang dumating si Blazing Bullet habang tersero si Arrows Up.





Comments