Kinasuhan ng theft sa pag-ani ng pananim na siya ang namuhunan
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 17, 2022
Dear Chief Acosta,
Ako ay magsasaka sa lupain ni Aling Nena alinsunod sa aming tenancy agreement. Isang araw, habang ako ay nag-aani ay biglang dumating ang mga tauhan ni Aling Nena at nagsabing sila na ang mag-aani ng mga nakatanim. Pinigilan ko sila sa nais nilang gawin sapagkat ako ang namuhunan sa mga pananim na iyon. Kinalaunan, ako ay nasampahan ng kasong theft sa kadahilanang nag-ani ako ng mga pananim sa lupain ni Aling Nena. Tama bang ginawa nila sa akin iyon? - Joselito
Dear Joselito,
Para sa iyong kaalaman, mayroong napagdesisyunang kaso ang Korte Suprema na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Ligtas v. People of the Philippines (G.R. No. 200751, August 17, 2015, Ponente: Kagalang-galang na Mahistrado Marvic Leonen):
“The essential elements of theft are: (1) taking of personal property; (2) the property taken belongs to another; (3) the taking was done without the owner’s consent; (4) there was intent to gain; and (5) the taking was done without violence against or intimidation of the person or force upon things.
Tenants have been defined as:
persons who — in themselves and with the aid available from within their immediate farm households — cultivate the land belonging to or possessed by another, with the latter’s consent, for purposes of production, sharing the produce with the landholder under the share tenancy system, or paying to the landholder a price certain or ascertainable in produce or money or both under the leasehold tenancy system.
Under this definition, a tenant is entitled to the products of the land he or she cultivates. The landowner’s share in the produce depends on the agreement between the parties. Hence, the harvesting done by the tenant is with the landowner’s consent.”
Sang-ayon sa nabanggit, tenant ang may karapatang mag-ani ng kanyang mga pananim. Sa ganitong sitwasyon, ang kanyang landowner ay maaaring makibahagi sa kanyang ani alinsunod sa kanilang napagkasunduan. Maaaring ang kanyang share ay mula mismo sa ani ng kanyang tenant, o siya nama’y maaaring mabayaran ng pera katumbas ang kanyang share sa ani.
Ibig sabihin, sa ilalim ng tenancy agreement, ang bawat pagtanim at pag-ani ng tenant sa lupaing pagmamay-ari ng kanyang landowner ay may pahintulot o consent nito, kaya naman hindi siya maaaring makasuhan ng theft. Gayundin sa iyong sitwasyon. Bilang tenant, may karapatan kang anihin ang iyong mga itinanim sa lupa ni Aling Nena. Dahil dito, walang basehan ang isinampang kasong theft laban sa iyo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments