top of page

Kesa raw mga wa’ ‘wenta ang pumasok sa Top 12… VICE GANDA, TODO-ENDORSO KINA KIKO AT ABALOS

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 3 min read

ni Janiz Navida @Showbiz Special | May 6, 2025





Samantala, marami na namang namba-bash ngayon at tinatawag ng kung anu-ano ang It’s Showtime host na si Vice Ganda sa social media dahil sa lantaran niyang pag-eendorso sa senatoriable na si dating MMDA Chairman Benhur Abalos.


Sa kanyang Facebook page, nag-post si Vice ng video niya kung saan sumasayaw siya at ineendorso si Benhur Abalos at mababasa sa video ang: “Kesa naman ‘yung mga walang kwenta ang pumasok sa Top 12.”


May mga tumawag kay Vice na “pera-pera lang” dahil sa paniwalang milyones ang tinanggap nitong honorarium mula sa naturang senatoriable.


Pero may mga naniniwala namang may prinsipyo pa rin ang It’s Showtime host at may matindi itong dahilan kung bakit nagtiwala siya para iendorso si Benhur Abalos sa pagiging senador.


Well, ilang araw na lang at eleksiyon na at ang wish lang namin ay maiboto natin ang tama at karapat-dapat para sa pag-unlad na inaasam natin para sa Pilipinas.

Amen!



Ex ng anak na si KC… SHARON, GAME SA MAS BATA BASTA SI PIOLO LANG





IYAK nang iyak si Megastar Sharon Cuneta sa ibinigay na mediacon kahapon ng mag-inang Roselle at Keith Monteverde ng Regal Entertainment bilang suporta sa kanyang mister na si Francis “Kiko” Pangilinan na muling tumatakbong senador under Liberal Party.


Sobrang touched kasi si Ate Shawie dahil kahit nu’ng buhay pa ang Regal matriarch na si Mother Lily Monteverde, ilang beses din nitong sinuportahan si Kiko sa pagtakbo sa pulitika.


Kaya nga nang makapanayam namin ang mag-asawa after the mediacon, paliwanag ni Mega kung bakit ganito siya kaemosyonal ngayon, “Sobra naming nami-miss si Mother Lily. Tapos ngayon, si Roselle, Keith, parang lagi na lang Monteverde ‘yung…”


Biglang naputol ang sinasabi ni Sharon at napatalikod sabay luha bago muling itinuloy na, “‘Yung nagpapakita ng pagmamahal, hindi ‘yung ‘pag masasayang panahon, nandiyan sila, pero ‘pag kailangan mo sila, sana nandiyan lang sila. So, siguro inaasahan ko ‘yun sa mga matagal ko nang…”   


Nabitin uli ang sagot ni Ate Shawie kaya tanong ni Tito Gorgy Rula, may suporta naman daw ba ang mga Del Rosario sa pagtakbo ng kanyang mister?


FYI, Viva baby kasi talaga si Megastar, mas marami siyang pelikulang ginawa sa produksiyon ni Boss Vic del Rosario kesa sa Regal Films ni Mother Lily Monteverde.


Pero sa kabila nu’n, parang anak ang turing sa kanya ng the late Regal matriarch kaya nga pati ang kanyang mister ay suportado nito noon sa pagtakbong senador, at extended pa ito ngayong sina Ms. Roselle at Keith na ang namamahala sa Regal Entertainment.


Sagot ng mag-asawa sa tanong, “Meron, meron naman,” pero hindi na nga ito na-elaborate nina Kiko at Sharon.


Anyway, sobrang saya at thankful naman ng mag-asawa dahil kahit wala raw silang malaking budget, nandiyan ang mga kaibigan nilang celebrities para iendorso si Kiko tulad na lang nina Vice Ganda, Piolo Pascual, Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo, Ogie Diaz at maging sina Iza Calzado at stage actor Phi Palmos na personal pang dumating sa Valencia Events place kahapon para magpakita ng suporta kay Kiko Pangilinan.

Samantala, ang payat na talaga ni Ate Shawie kaya biniro nga namin siya na puwede na ba siyang mag-Vivamax ngayon?


“‘Wag na, ‘di na bale,” nangingiting sagot nito.

At sa tanong kung game ba siya sa mas batang leading man na ipa-partner sa kanya dahil nga ang bagets na rin niyang tingnan, sagot ni Ate Shawie, “Ay, ako, Piolo lang ako, pero hindi puwedeng love story. Alam mo na, muntik maging manugang, nakakahiya.”

Eh, ‘di ba nga, ex ng panganay niyang si KC Concepcion si Papa P?!

‘Yun na!




AND speaking of Piolo Pascual, nakakatuwa na kung dati, todo-iwas ang aktor sa usaping-pulitika at mga gusto niyang iendorso dahil may ‘image’ nga siyang pinoprotektahan bilang Kapamilya star, ngayon ay all-out na sa pagsuporta ang aktor sa mga kandidatong pinaniniwalaan at pinaninindigan niya.


In fact, last Sunday, sumama pa si Papa P. sa motorcade ng senatoriable na si Bam Aquino sa ilang parte ng Metro Manila, kabilang ang Mandaluyong at Cubao, Quezon City.


Nakasama rin ni Bam sina Iza Calzado at Bea Binene sa Mandaluyong, Quezon City, at Valenzuela.


Bago nagsimula ang motorcade, pinagtibay nina Pascual, Calzado at Binene ang endorsement kay Aquino sa pamamagitan ng pag-flash ng No. 5 sign ni Bam sa balota.


Noong umaga, sina Aquino at Binene ang nag-ikot sa Muntinlupa, Las Piñas at Pasay kasama ang mga influencers na sina Kerwin King, Zion Aguirre, Gabe Pineda, Niño San Jose, Andrea Guevarra, Andrei Hermida, at Damien Villaflor.


Inendorso rin ni Piolo si dating Vice-President Leni Robredo nang tumakbo itong pangulo noong 2022.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page