top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Kenyan Kipruto at Yehualaw champ sa TCS London Marathon

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 4, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 4, 2022



Dalawang bagong pangalan sa katauhan nina Amos Kipruto ng Kenya at Yalemzerf Yehualaw ang itinanghal na kampeon sa 2022 TCS London Marathon, Lunes ng umaga (oras sa Pilipinas). Pinangunahan ng pares ang tinatayang mahigit 40,000 mananakbo para magsimula ng bagong kabanata sa kasaysayan ng tanyag na takbuhan na nagtapos sa The Mall.


Humataw si Kipruto at tumawid sa finish line sa oras na 2:04:39 sa kabuuang 42.195 km. Pangalawa si Leul Gebresilase ng Ethiopia sa 2:05:12 at pangatlo si Bashir Abdi ng Belgium sa 2:05:19.


Si Kipruto ang nanalo ng medalyang pilak sa 2020 Tokyo Olympics Marathon sa likod ng kababayang si Eliud Kipchoge. Hindi naglaro si Kipchoge at kagagaling lang niya sa pagtala ng bagong world record para sa 42.195 kilometro na 2:01:09 noong nakaraang linggo lang sa 2022 BMW Berlin Marathon sa Alemanya.


Sa edad na 23, si Yehualaw ang pinakabatang kampeon ng karera subalit kinailangan niya munang dumaan sa kaunting peligro. Natalisod siya na may 10 kilometro ang nalalabi ngunit bumangon siya agad, humabol sa mga kasama at magwagi sa oras na 2:17:25.


Isa sa mga nilampasan niya ang defending champion Joyciline Jepkosgei na pumangalawa lang sa 2:18:06. Pangatlo ang isa pang Ethiopian Alemu Megertu sa 2:18:32.


Bago magsimula ang karera, pinarangalan ang alaala ng namayapang si Queen Elizabeth II na reyna ng Gran Britanya mula nang idaos ang London Marathon noong 1981. Karaniwang ginaganap ang patakbo tuwing Abril subalit inilipat ito sa Oktubre simula 2020 bunga ng pandemya.


Ang susunod na yugto ng Abbott World Marathon Majors ay ang Bank of America Chicago Marathon sa Oktubre 9. Susundan ng TCS New York City Marathon sa Nob. 6 na ika-anim at huling yugto ng 2022.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page