ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | June 29, 2024
Malaki ang respeto at pasasalamat ni Senator Robin Padilla sa aktres na si Kathryn Bernardo na dating kasintahan ng pamangking si Daniel Padilla.
Inamin ito ng senador sa intimate mediacon ng pelikulang gagawin niya, ang Gringo: The Greg Honasan Story na produced ng Borracho Films na ididirek nina Direk Lester Dimaranan at Abdel Langit.
Malaki raw ang panghihinayang ni Robin sa KathNiel (Kathyrn at Daniel) nang maghiwalay ang dalawa.
Sey ni Robin, “Alam naman ng Padilla na malaki ang aming pagbibigay-pugay kay Kathryn dahil s’ya rin naman ang nagbigay ng break kay Daniel. Alam naman naming lahat ‘yun.
“Kaya ang paggalang namin kay Kathryn ay sobra-sobra, totoo naman, s’ya ang nagbigay ng break kasi si Kathryn talaga ang bida, alam naman natin ‘yun!”
Ganito rin ang pasasalamat ng senador kay Sharon Cuneta-Pangilinan dahil kahit na Robin Padilla na siya noon ay napakalaki raw ng nagawa ng Megastar sa karera niya nang magsama sila sa Maging Sino Ka Man nu’ng 1991 na kumita ng P150 million base sa record na inilabas ng Viva Films sa Wikipedia.
Bago nagkasama sina Sharon at Robin ay naging bida na ang aktor sa ilang pelikula, pero ang Maging Sino Ka Man ang unang romantic comedy movie ni Robin with Sharon na kumita nang husto sa takilya, kaya ganito na lang ang pasasalamat niya sa aktres.
Kaya ang hinihiling sana ni Robin ay makagawa ng drama movie na marami raw kissing scenes, pero alam naming idinaan lang ito sa biro ng aktor dahil sa edad niyang 55 sa darating na Nobyembre ay kailangan na rin niyang mag-ingat.
Sabi nga niya, “Ewan ko ba sa kanila (producers) kung bakit. Gustung-gusto nila akong mag-aksiyon, eh, gusto ko ng drama na maraming kissing scenes.
“Totoo kasi nu’ng ginawa namin ni Regine (Velasquez) ‘yung Kailangan Ko’y Ikaw (2000), drama ‘yun, ako talaga, gusto ko ay drama.
“Kanina nga sinabi ng direktor (Lester Dimaranan) na nandito si Sir Robin Padilla, lalagyan namin ng aksiyon, napa-ganu’n (hawak) ako sa tuhod ko. Bakit ba naman ganu’n ang reputasyon ko? Pero siyempre, hindi natin tatanggihan. Pero ngayon (sa Gringo), hayaan muna nating kumita ang mga stuntmen," aniya kaya nagkatawanan ang lahat.
Nabanggit ng senador na sa nakaraang ground training nila ay napuruhan ang tuhod niya at nagkaroon ng tubig na ipinapa-drain niya at kailangan niyang ipahinga ito ng 20 days or tatlong linggo, pero hindi nasunod dahil anim na araw pa lang ang nakalipas ay ratsada na naman siya dahil marami siyang kailangang puntahan, isa na nga ang Gringo: The Greg Honasan Story mediacon.
Comments