Kaya raw tinulungan sa pagpapagamot… CHAVIT: NORA, ‘DI INAASIKASO NG MGA AMPON NIYA
- BULGAR
- 6 minutes ago
- 3 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | May 1, 2025
“So, natuloy na rin po ang pagkalugi ko dahil sa inyo,” ang pabirong hirit ng dating Ilocos Sur Gov. at chairman ng LCS Group of Companies na si Manong Luis “Chavit” Singson kahapon sa ginanap na contract signing at factory opening ceremony ng kanyang dream project-advocacy na e-jeepney sa Batangas.
Hindi man natuloy si Manong Chavit sa pagtakbong senador, itinuloy pa rin niya ang pangako sa mga transport group na maglalabas ng mga eco-friendly vehicles para makatulong sa kabuhayan ng maraming Pinoy at transport sector sa bansa.
Ayon kay ex-Gov. Chavit, gusto niyang patunayan na may isang salita siya kaya tinupad ang pangako at hindi isipin ng mga tao na tumutulong lang siya dahil may intention siyang tumakbong senador.
No regrets daw si Manong Chavit na umatras siya sa pagka-senador dahil nabigyan niya ng higit na oras na maisakatuparan ang paglalabas ng e-jeepney dito sa ‘Pinas.
Katuwang ang kanyang mga Korean investors, sa LCS Emon Factory sa Lima Estate, Lipa, Batangas ia-assemble ang mga electric vehicles na ayon nga kay Manong Chavit ay mabilis namang gawin ng kanyang mga manggagawa.
Kaya excited siyang ibinalita na kayang-kaya ng workforce nila ang mga orders mula sa Paraguay na sabi nga ng businessman-philantropist ay maibebenta niya ng P2.5 M per unit at doon na lang siya babawi.
Sa ‘Pinas daw kasi, P1.2 M lang ang presyo ng bawat e-jeepney at puwede pang installment kaya nga nakapagbiro siya na matutuloy na ang pagkalugi niya.
Nangako naman ng suporta ang Dept. of Transportation (DOT) sa dream project na ito ni Manong Chavit na ngayon nga ay naisakatuparan na.
Umaapela lang si Manong Chavit na sana ay mailabas na ng LTFRB ang prangkisa para sa e-jeepney nang sa gayon ay maging operational na ito sa buong bansa.
Samantala, naitanong din namin kay ex-Gov. Chavit Singson kahapon kung totoo bang tumulong din siya sa gastos sa pagkamatay ni Superstar Nora Aunor.
“Ah, oo, nu’ng araw pa, tinutulungan ko na siya,” ani Manong Chavit.
Hindi lang daw sa burol ni Ate Guy siya nagbigay ng instruction sa mga staff niya na mag-abot ng tulong-pinansiyal dahil kahit nu'ng buhay pa ang Superstar, kasama na ito sa mga senior citizens na artista na binibigyan niya ng P50K bilang ayuda.
“Bago namatay, nagpunta sa bahay. ‘Ako na ang bahala para sa operasyon na hinihingi mo,’ kako, hindi naman umabot. Nagkataon naman na nasa bahay ako,” kuwento pa sa amin ni Gov. Chavit.
“‘Yung mga in-adopt na pami-pamilya niya, hindi ata tinutulungan, eh,” dagdag na chika nito kaya binibigyan daw talaga niya si Ate Guy noon pa.
May ibinebenta palang property sa kanya ang Superstar na hindi na natuloy dahil nakamatayan na nga nito.
“Sinabi ko sa opisina ko, tulungan. Ewan ko lang kung… Kaya lang sabi nila, ‘yung mga in-adopt-adopt niya, wala naman daw, ‘di naman pinapansin nu’ng buhay pa. ‘Yun ang balita ko, ‘yung mga in-adopt niya, hindi naman daw siya tinutulungan,” ani pa Manong Chavit na siyempre ay gusto rin niyang makumpirma kung totoo at hindi pa raw niya nakakausap ang mga anak ng Superstar.
NAHIHIYA raw si Kiko Estrada ‘pag sinasabing siya ang bagong Prince of Teleserye ng TV5.
Ang suwerte naman kasi ni Kiko na after ng Lumuhod Ka sa Lupa, may kasunod na agad siyang action serye sa TV5 dahil siya ang bibida sa remake ng Totoy Bato na ginampanan noon ni the late Fernando Poe, Jr. (SLN) sa pelikula at una na ring ini-remake ni Sen. Robin Padilla sa TV series noon ng GMA-7.
Ano nga ba’ng feeling niya na after FPJ and Robin, siya ang bagong Totoy Bato?
“Wala akong masabi, sobrang nakakataba ng puso,” ani Kiko na aminadong may pressure sa kanya na lumabas na maganda ang action serye lalo't kasama raw sa orig na Totoy Bato movie ang kanyang Lolo Paquito Diaz (SLN).
Si FPJ naman daw ang kanyang fave boxer at kung paano ito sumuntok at paborito rin niya ang Panday movie nito.
Ngayong Mayo 5 na magsisimula ang ipinagmamalaking handog ng TV5 na hango sa obra ni Carlo J. Caparas at sa classic film na pinasikat ni Fernando Poe Jr.. Mapapanood ito sa TodoMax Primetime Singko block ng TV5 mula Lunes hanggang Biyernes, 7:15 PM kapalit ng magtatapos na Lumuhod Ka Sa Lupa.
Makakasama sa powerhouse cast ng Totoy Bato sina Bea Binene, Diego Loyzaga, Art Acuña, Nonie Buencamino, Mon Confiado, Mark Anthony Fernandez, at Ms. Eula Valdez.
May mga espesyal na pagganap din sina Joko Diaz, Tanya Garcia, Carlene Aguilar, Kean Cipriano, at Ms. Jackie Lou Blanco.
Sina Cindy Miranda, Gold Aceron, Ivan Padilla, Andrew Muhlach, Billy Villeta, Benz Sangalang, at Lester Llansang naman ang kukumpleto sa cast sa kanilang pagganap sa kanilang mga natatanging karakter.
Mula ito sa direksiyon ng Lumuhod Ka Sa Lupa director na si Albert Langitan, at sa produksiyon ng MavenPro, Sari Sari Network Inc., at Studio Viva.
Comments